BAKIT ganu’n na lamang ang galit ng sinasabing pumatay na 23-taong gulang na si “Aika” Mojica, na natagpuan sa dike sa may Sto. Tomas River, San Felipe, Zambales noong Sabado ng umaga, nakatali ang mga kamay, sunog ang bahagi ng katawan at may tatlong tama ng bala ng baril sa likod ng may saklob na “bonnet” na ulo?
Ito Ang Totoo: ginulantang, lalo na sa social media, ang lungsod ng Olongapo at lalawigan ng Zambales, ng pagkamatay ni Aika na pinatay umano ni Jonathan Dewayne C. Viane, 29, isang Fil-Am na pansamantalang nanirahan sa bayan ng Subic.
Sumibat umano si Viane pauwi sa Alaska, USA noong Linggo, bale isang araw matapos ang krimen na hindi nahabol ng kahilingang “Hold Departure Order” (HDO) na pinaraan sa Bureau of Immigration (BI).
Hindi pa rin matunton ang kinaroroonan ng kasabwat umano nitong isang Niño dela Cruz na huling nakita sa may Victory Liner Bus Station sa lalawigan ng Pampanga.
Batay sa mga naglabasang impormasyon, may kinalaman sa agawan sa kustodiya ng anak sa pagitan ng suspek at dating asawang si Liane Ramilla ang pagkakapatay kay Aika na tumutulong umanong mahabol si Viane rito sa Pilipinas.
Nasa Amerika si Ramilla na may iba na umanong kinakasama at kay Aika nga umaasa na maibaik sa kanya sa Amerika ang may apat na taong gulang na anak na lalaki na itinakas umano ni Viane patungong Pilipinas nitong unang bahagi ng taon.
Mismong ang menor-de-edad na girlfriend ni Viane sa Pilipinas ang nagkamada na magkita ang suspek at biktima. Inamin din umano ng suspek sa girlfriend niya na naging saksi laban sa kanya, na siya – si Viane, kasama si Dela Cruz, ang pumatay kay Aika.
Ito Ang Totoo: bagama’t hindi makapaniwala, may mga naniniwala na si Viane at Dela Cruz nga ang may kagagawan ng pamamaslang pero kumukuwestiyon din kung ano nga ba ang relasyon ng biktima at ni Ramilla.
Bagama’t mali anila ang ginawang pagpatay kay Aika, dapat ding tingnan ang dahilan kung bakit itinatago ni Jonathan ang anak sa dating asawa.
Ito Ang Totoo: anoman ang dahilan ng away ng mag-asawa at maging ang relasyon ni Aika at ni Rumilla, hindi mabibigyang-katwiran ang pagpatay sa biktima.
Sa interes naman ng katotohan, naniniwala rin tayo na marapat lang malaman at mailabas ang panig ni Viane para makita ng madla ang buong larawan ng masaklap na kaganapan.
May mga aral na mapupulot ang mamamayan sa insidente at iyon ang malinaw na maipagsisilbi ng pagkamatay ni Aika. Sana huwag itong masayang.
Saludo naman tayo sa koordinasyon ni Olongapo Mayor Rolen C. Paulino at Zambales Gov. Hermogenes E. Ebdane, Jr. sa mga kinauukulan, mula Manila hanggang Amerika, upang masubaybayan ang kilos ni Viane kahit ito’y nasa biyahe.
Naniniwala tayong itong si Viane ay masasakote sa mga darating na araw, depende sa pakikipagtulungan ng mga Kanong kinauukulan. Ito Ang Totoo! ITO ANG TOTOO/VIC VIZCOCHO, JR.
