WALANG bentilador, walang ilaw, walang kompyuter, walang cellphone.
Ito ang tiyak na kalagayang kinapalolooban ng mahigit isang milyong mag-aaral sa 5,954 pampublikong paaralan sa buong bansa.
Dahil sa ganitong kalagayan, hindi kaya nangangahulugan ito ng milyong bobong mag-aaral?
Hindi dahil sa ipinanganak na bobo ang mga mag-aaral kundi dahil sa napagkakaitan ang mga ito ng magandang kondisyon para mag-aral.
WALA RIN SA BAHAY
Malamang na hindi lang sa eskwelahan nagaganap ang kawalan ng kuryente kundi sa mismong mga tahanan ng mga mag-aaral.
Kaya naman, kapag pinagsama ang masamang kondisyon dahil sa kawalan ng kuryente sa eskwela at tahanan, sino ang makaaasa ng pagtalim ng isip ng mga ito?
E, kailangan na kailangan na ngayon ang kompyuter at cellphone para sa pag-unlad ng kaisipan.
Hindi na sapat ang mga aklat at dagdag-kaalaman ng mga dear titser para maging ma-kabago at mapuno ng kaalaman ang mga utak ng mga mag-aaral.
MGA WALANG KURYENTE
Ayon sa Department of Education sa paglulunsad nito ng LightEd PH, mayroon 2,414 iskul ang maaabot ng mga kawad ng kuryente na “grid” kung tawagin.
‘Yun bang === mga nakatore na kawad ng kuryente na kilo-kilometro ang haba at bumabagtas pa ng mga lalawigan.
Mayroon namang 1,308 na malayo talaga sa grid habang mayroong 2,232 na hindi pa matantiya kung aabutin ng grid o hindi.
Sabi ni DepEd Sec. Armin Luistro, sana makabitan na ng kuryente ang lahat ng mga iskul na ito bago magsimula ang klase sa Hunyo 2016.
MAGANDANG PROGRAMA
Habang pinakikinggan natin si Luistro na magsalita, maganda ang isinusulong niyang programa.
Isa ang mahigpit na pakikipagkoordinasyon nito sa National Electrification Administration at Department of Energy para makamit ang layunin ng LightEd PH.
Siyempre pa, nais ng DepEd na kabitan na ng NEA ng kawad ang mga aaabot ng mga grid.
At ‘yung mga malalayo naman dito ay malagyan ng mga makinarya o pondong pasilidad para pagmulan ng kuryente.
Meron ding solar lamp o nabubuhay sa araw na lampara na ang liwanag ay aabot ng gabi para sa pag-aaral pa rin ng mga bata sa kanilang tahanan.
Kung hanggang saan maipapako ang mga pangako ng NEA at DOE sa DepEd na tulong ay Diyos lang ang nakaaalam.
HYDRO AT BATERYA
Kaugnay ng pagnanais ng mga komunidad na magkaroon sila ng ilaw sa mga iskul at tahanan, may mga gumagawa ng mga mini-hydro na planta ng kuryente at matatagpuan ang kanilang eksperimento sa Cordillera.
Wais at matiyaga rin ang ibang mga ama o ina ng tahanan na bumili ng mga baterya ng motorsiklo o jeepney para roon sila kukuha ng kuryente na pang-ilaw sa gabi.
Kaya lang, linggo-linggo silang pumupunta sa bayan para mag-recharge ng baterya.
At may mga pamilya na ring gumagamit ng solar light.
Kapag pinagsama-sama ang lahat ng ito, kabilang na ang programa ng DepEd, aba, walang dahilan upang hindi magkakuryente o magkailaw ang bawat iskul at tahanan.
Para na rin sa mga kabataang mag-aaral at matatanda na rin.
HINDI PWEDE
Heto ngayon ang isang malaking problema, mga Bro.
Kapag naisipang ipasa ng NEA at DOE ang pagkakaroon ng kuryente sa mga kooperatiba at iba pang distributor ng kuryente, anak ng tokwa, ewan natin kung ano ang mangyayari.
Basta ang maliwanag, kung hindi rin lang kikita ang mga distributor, nungka na magkabit sila ng kuryente sa mga iskul at bahay.
Mas mahalaga na sila’y kikita kaysa maging bahagi sila ng serbisyong bayan na wala naman silang kikitain.
Kaya nga, sa kagustuhan nilang kumita nang kumita, andiyan ang natatagpuang pandaraya ng mga ito lalo na sa mga lugar na may sapat o sobrang suplay ng kuryente.
Andiyan ang pagkunbert ng mga linya ng kur-yente na komersyal para magdoble o magtriple ang bayad ng kuryente.
Andyan ‘yung pakikipagsabwatan nila sa mga planta ng kuryente para magkaroon ng kakulangan sa suplay at pagsasara ng mga planta para magmahal ito.
Naririyan din ang sabwatan nila, kasama ang Wholesale Electricity Spot Market , para sa overpricing ng kuryente at marami pang pautot.
Sa huli, kawawa hindi lang ang mga mag-aaral na walang kuryente kundi ang lahat ng mga mamamayan, kabilang na rin ang pamahalaan.
Nakababawi nga lang ang gobyerno sa pagkolekta ng buwis mula sa mga negosyante ng kuryente pero hindi ang mga mamamayan.
o0o
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA