KUNG gaano ang pagsisinungaling, este, pagmamalaki ni Don Benigno Aquino III na natulungan na nila ang mga biktima ng bagyong Yolanda, siya naman lakas ng sampal ang pagbulgar ng United Nations sa pagkukulang at kapabayaan ng kanyang rehimen.
Diplomatiko pa rin si UN special rapporteur Chaloka Beyani nang ilabas niya ang kanyang nakita sa loob at labas ng Tacloban o buong Leyte na winasak ni Yolanda. Kulang na kulang ang tulong ng gobyerno sa mga biktima ng malakas na bagyo.
Maaalala na noong una, kinontra ni Interior Sec. Mar Roxas si CNN star reporter Anderson Cooper sa nakita ng huli na malaking sira at kapabayaan ng pambansang liderato sa agaran na pagtulong.
Sa panayam naman ni Christiane Amapour kay G. Aquino, sa halip na sagutin ang tanong ng anchor ay sinagot niyang “hindi naman sila namatay ah…” Kasunod nito ang pulong ni Sec. Mar kay Tacloban City Mayor Romualdez na sinabihan din ng, “Alalahanin mo, ang Pangulo natin ay isang Aquino at ikaw ay isang Romualdez!”
Kung sana ay nagpunta pa si Beyani sa Mindanao, makikita niya ang malungkot na estado ng mga biktima ng 2 bagyo – sina Sendong at Pablo – na karamihan, hanggang ngayon ay nasa wasak nang emergency shelters.
Walang ibinigay na pabahay ang rehimen sa kanila.
Isama pa ang winasak ng giyera sa Zamboanga, marami pa rin ang mga naghahanap, humihingi ng tulong sa Malakanyang pero hanggang ngayon nganga pa rin ang taumbayan!
Sa kabuuan, isang malakas na sampal ng United Nations ang tugon nila sa huling SONA ni Pnoy. Walang katotohanan ang tulong ng kanyang administrasyon hindi lang sa mga biktima ng bagyong Yolanda kundi yaong mga nauna pa na hindi pa rin naaabutan ng tulong.
Sapat na talaga sa tropa ni PNoy na magbigay ng tig-isang supot na may bigas, delata, noodles, biskwit at kendi. Pag-abot, kuha ng litrato, hayun impake na pauwi sa magagara nilang tahanan. Tama ba, DSWD Dinky?
Malinaw na puro yabang o kasinungalingan ang laman ng huling SONA ni Aquino sa batayan ng serbisyo publiko sa mga biktima ng mga nagdaang bagyo. Bagsak sa totoong marka.
Mismong si dating PNP Chief at Senador Panfilo “Ping” Lacson ay nadismaya sa mga tauhan ni PNoy noong italaga siya bilang rehabilitation czar ng Yolanda. Hindi pa man nag-iinit sa upuan, nakita ni Lacson ang KAWALANGHIYAAN AT ANG MATINDING KORAPSYON ng mga tauhan ni Noynoy! BALETODO/ED VERZOLA