SIGARILYO ang tinalakay natin dito noong nakaraang isyu bilang babala sa pubiko sa dalang panganib nito.
Ito Ang Totoo: may mga statistiko na nagpapakita na malaki ang nagagastos ng publiko sa pagpapagamot sa mga sakit na dulot ng paninigarilyo, pwera pa ang mga nawalang kita at gastos sa pagpapalibing ng mga tuluyang namatay.
Gaya nang sinabi na natin, wala tayong pakialam sa mga taong pinili na gawing bisyo ang paninigarilyo. Ang pinakikialaman natin ay ang pamemerhuwisyo sa ibang tao ng pagbibisyo ng mga naninigarilyo.
Halimbawa nito ay ang may-ari ng Vista Marina Hotel na isang Koreano, si “Sang Woo Lee” a.k.a. “Alex Lee,” na walang pakundangang naninigarilyo sa loob ng resto bar ng naturang hotel. Tayo mismo ang nakakita sa paninigarilyo ng amag na ito at para may ebidensya tayo, kinuhanan natin siya, kasama pa ang kanyang abogado, ng video at litrato habang nagsisigarilyo sa loob ng resto bar.
Ayon sa kanyang mga “staff,” smoking area raw ang buong resto bar at kung may non-smoker, buntis o may kasamang bata, huwag na lang daw pumunta sa hotel. Hindi lang arogante ang katwiran ni Lee, labag pa sa batas.
Ito Ang Totoo: napapanahon na upang suriin ng Subic Bay Metropolitan Authority ang operasyon ng Vista Marina.
Lumalabas na walang pakundangan ang pamunuan nito sa kalusugan at kaligtasan, hindi lamang ng mga nagbabayad na customers, pati na rin sa mga empleyado nito.
Isama na nire-review ang iba pang mga establisimyento para matiyak na lahat ay sumusunod sa batas at mapangalagaan ang publiko kaugnay ng paninigarilyo.
Hindi naman kaila sa lahat na ang paninigarilyo ay panganib sa buhay at kalusugan ng tao. Katunayan, mismong ang mga pakete ng sigarilyo ay obligadong maglagay ng matinding paalala sa panganib at pinsalang dulot ng sigarilyo.
Sa pambansang level naman, pag-aralan na ng mga kinauukulan ang “total ban” sa paninigarilyo. Simulan sa paglalagay ng mga alternatibong kabuhayan para sa maaapektuhang mga manggagawa sa mga taniman at pabrika ng sigarilyo.
Kaya ba? O baka naman kayang tapalan ng mga higanteng kumpanya ng sigarilyo ang mga kinauukulan? Isa pa, mukhang mahirap dahil mismong mga kinauukulan, marami sa kanila ang naninigarilyo. Tingnan nga natin.
Ito Ang Totoo! ITO ANG TOTOO/VIC VIZCOCHO, JR.
