BANDANG alas-4:00 ng hapon noong Miyerkules, hinarang at pinatabi kami ng isang traffic enforcer sa Monumento, Caloocan City.
Kaagad tumalima ang anak ko – si Nico – na may hawak ng manibela, iginilid ang aming sasakyan para ‘di makaabala sa trapiko.
Pagbukas sa bintana ng sasakyan, unang bigkas na narinig namin sa traffic enforcer ay mga katagang “mabuti po ‘di kayo nadisgrasya”.
“Pwede pong makita ang inyong lisensya,” ang sumunod na sambit ng traffic enforcer na kaagad namang ibinigay ng aking anak.
Pagkatapos matunghayan ang lisensya ay kaagad din namang ibinalik sa aking anak sabay bigkas ‘Ingat lang po lagi sa pagmamaneho”.
Sa buong buhay ko, ngayon lang ako nakatagpo ng masasabi kong ‘one in a thousand’ kundi man ‘one in a million’ traffic enforcer.
Sa tuwi-tuwina ay nakikipagdiskusyon ako sa mga traffic enforcer na biglang nanghuhuli, pagkatapos ay mangongotong lang pala.
Pero sa traffic enforcer na ito, ako’y hindi nakapagsalita dahil nakita ko sa kanya na ginagampanan niyang tunay ang kanyang trabaho.
Ayaw nating maging traffic violator, pero may mga pagkakataong ika’y nakapagba-violate dahil na rin sa kagaguhan ng ilang driver.
Sa kaso namin ng aking anak, kaya kami nasita ng nasabing traffic enforcer ay dahil na rin sa kagaguhan ng isang reckless driver.
Kailangan naming iwasan ang reckless driver na ‘yon para hindi kami mabangga, kaya nagawi kami sa left lane mula right lane.
Dahil napadpad kami sa left lane, kaya na-caught in the act kami ng nasabing traffic enforcer kaya kami pinara at sinita.
Marahil ay nakita rin ng naturang traffic enforcer ang pangyayari, kaya kami ay pinaalis, hindi hinuli at hindi tinikitan.
Kung ibang traffic enforcer ang sumita sa amin, baka kung ano-anong masasamang salita ang aming narinig ng aking anak.
At kapag minamalas pa, baka kinotongan pa kami, bagay na ‘di mangyayari dahil ‘di ko kinukunsinti ang pangongotong ng traffic enforcer.
Ikinatuwa natin ang kakaibang encounter sa traffic enforcer na ito kaya saludo tayo kay DPSTM head Larry Castro at deputy Benny Go.
Sa mga lansangan ng Metro Manila na walang mabuti, kundi puro kasamaan ang naririnig sa mga traffic law enforcer, may natagpuan tayong isang kakaiba.
Siya ay si traffic enforcer ‘FERRANCO R.’ ng Caloocan – Department of Public safety and Traffic Management (DPSTM). CHOKEPOINT/BONG PADUA