ANO ba naman itong mga kagawad ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group at pumapayag na magpagamit sa mga walang kakwenta-kwentang nilalang na gaya ni Deniece Cornejo at kanyang abogadong si Ferdinand Topacio. Sa dinami-rami ng mga kasong dapat tutukan nitong CIDG gaya ng laganap na patayan at pagkalat ng droga maging sa loob ng mga paaralan.
Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit hirap makaalpas sa imahe ng pagiging kontrabida ng PNP sa mata ng mga mamamayan dahil tila hindi nag-iisip ang ilang opisyal bago gumawa ng mga kabalbalan.
Gaya ng ginawa ng CIDG na pag-aresto sa lifestyle blogger na si Michael Sy Lim na siyang nasa likod ng blog na Fashion Pulis. Ni hindi man lang naisip ng pamunuan ng CIDG sa pamumuno nitong si Director Benjamin Magalong na napakawalang kwenta ang reklamong libel na isinampa ni Cornejo at Topacio laban kay Lim.
Ang mga ganitong kaso ay maaaring hawakan na ng lokal na pulisya at hindi na dapat ito pinakikialaman ng isa sa mga pangunahing operational arm ng PNP na gaya ng CIDG.
Ang CIDG ay itinatag hindi upang makisawsaw sa mga walang kwentang kaso na pang-showbiz kundi upang tumutok at magsagawa ng mga imbestigasyon sa mga organized crime at mga karumal-dumal na krimen.
Juice ko lord naman, Director Magalong, pati ba naman simpleng libel case ay pinapatulan na ng CIDG? Masyado naman yatang nagpapahalata ang mga tauhan mo!
Tanungin mo nga ang mga bata mo kung magkano ang dahilan at pinag-aksayahan pa nila ng oras, gasolina at pang-meryenda itong si Lim na isang miyembro ng LGBT (Lesbian Gay Bisexual Transgender) community.
Ang tanging kasalanan nitong si Lim ay isinulat niya sa kanyang blog ang ulat ng medical outfit na Healthway na may Sexually Transmitted Disease (STD) si Cornejo. In short, hindi nanggaling sa hangin ang kwento nitong si Lim dahil ito ay batay sa ulat mismo ng Healthway.
Mapanganib bang tao si Lim at kailangan pang CIDG ang magsilbi sa kanyang warrant of arrest? Hindi ba kayang gawin ng warrant section ng local na pulisya dahil baka pagkukurutin sila ni Lim?
Sa rami ng mga nakalabas na warrant of arrest laban sa mga kriminal na talagang maiitim ang budhi at sagad sa kawalanghiyaan ay tila mas nabigyan pa ng oras nitong CIDG ang isang libel case na walang kalatoy-latoy.
Siguro ay isa ito sa mga dapat tingnan ng bagong boss ng PNP na si Director General Ricardo Marquez. Masyadong sabog at malawak ang mandato ng CIDG kaya kulang na lang, eh, nagiging pulis-pangkalawakan itong sangay na ito ng ating kapulisan. Ang mga piyait at pang-barangay na kaso ay hindi na dapat pinakikialaman ng CIDG.
May mga kaibigan akong operatiba ng CIDG kaya maging ako ay nahihiya na tila nawawalan na ito ng kredibilidad bilang isa sa pangunahing anti-crime unit ng PNP.
***
Para sa inyong mga sumbong tungkol sa mga mali sa lipunan at mga tiwaling lingkod-bayan, mga komento at suhestiyon, mag-e-mail lamang sa gil.bugaoisan@gmail.com. BIGWAS/GIL BUGAOISAN
