WALA na ba talagang maisip na paraan ang Department of Education upang palakasin pa ang pagbabahagi ng kaalaman sa mga mag-aaral?
Bakit kailangang ikonsidera ng ahensiya ng pamahalaan ang paggamit ng gay lingo o salitang “beki” bilang official medium of instruction sa pagtuturo? Bakla ba ang mga opisyal ng DepEd? O bakla ang mga pinakikinggan ng mga opisyal nito?
Hindi pagkontra sa mga bading o tomboy ang hindi paggamit ng salitang beki o salitang kalye na dulot ng pagbabago, lalo na sa mga kabataan sa mga paaralan. Bagkus, ito ay isang paraan upang mas lalong palalimin ang kaalaman ng mga mag-aaral sa salitang tapat ay tinatangkilik ng mga mamamayang Filipino.
Mabuti pa nga ang mga dayuhang nasa bansa, walang tigil sa paghahasa ng kanilang dila sa pagsasalita ng mga dialekto at lengguwahe ng mga Pinoy. Samantala, ito mismong DepEd sa pangunguna ni Sec. Armin Luistro ay tila nais pang maging banyaga ang ating mga mag-aaral at kabataan sa sarili nating bansa.
Nakaiinis pa nito, nais ng DepEd na tanggalin na sa kurikulum sa kolehiyo ang asignaturang Pilipino gayung marami sa mga mag-aaral natin ang hindi nga kabisado ito. Minsan nga, maging ang mga guro ay hindi na kabisado ang kaibahan ng salita sa pangungusap at kung ano ang pangngalan, panghalip, pandiwa, pang-uri, pang-abay at maging ang mga pantukoy at mga kauri nito.
Wala na ba talagang gagawin ang administrasyong Aquino kung hindi gawing katawa-tawa at mahina ang klase ng edukasyon sa bansa? Wala pa nga silang magandang pruweba sa kanilang K+12, eh, heto na naman ang isang kapalpakan na nais nilang ipatupad sa edukasyon ng bansa.
Huwag nilang sabihing pinag-aaralan pa lang, dahil batid naman nating kung ano ang pumasok sa isip ni Pangulong Benigno Aquino III bagama’t batid niyang walang buting maidudulot sa bansa ay kanyang ipagpipilitan.
Ito ba talaga ang bahagi ng “Daang Matuwid” na hanggang ngayon ay ipinagpipilitan ng administrasyon at nais nilang dalhin sa kampanya ng kandidato ng Liberal Party na si Mar Roxas?
Pagtahak ba sa “Daang Matuwid” ang turuan ang mga mag-aaral at kabataan ng mga salitang kalye at kadalasan ay hindi na kababakasan ng paggalang sa kapwa? Ito ba ang nais na ibahagi ni Luistro sa mga susunod na salinlahi?
Aba’y kung ganoon din lang ang gusto n’yo, mabuti pang tsugiin na lang kayo sa pwesto. At sana ma-Luz Valdez ang kandidato niyo para baksi na kayo sa puwesto tutal chaka ang mga programa niyo. PAKUROT/LEA BOTONES
