PAKIWARI ko’y sumusobra na ako sa pagdadala ng mga maysakit sa manggagamot na ito na tatawagin kong ‘Dr. Gratis’ ng Malabon.
Binansagan ko siyang ‘Dr. Gratis’ dahil lahat ng pasyente na sinamahan ko para magpakonsulta ay libreng ginamot ni doktor.
Dahil sa napakarami ko nang sinamahang may karamdaman sa doktor na ito, minsan ay nangingibabaw rin sa akin ang kahihiyan. Pero kapag may lumalapit na nanghihingi ng tulong para magpagamot, nawawala ang aking hiya, dagli ko silang dinadala kay ‘Dr. Gratis’.
Sadyang napakabait ni ‘Dr. Gratis’ dahil sa lungsod ng Malabon, maraming lumalapit sa kanya na magpapagamot na walang bayad. Hindi sa ‘di kailangan ni ‘Dr. Gratis’ ang pera, pero ang basa natin, masaya siyang nakatutulong sa mga walang-wala na may karamdaman.
Si ‘Dr. Gratis’ ay internal medicine expert na kung gugustuhin ay madaling pagkakitaan ang propesyon para maging marangya ang buhay. Subalit ‘di niya ito ginamit na pagkakataon para magkamal ng salapi dahil hanggang ngayon nananatiling simple at mababa si Doc.
Imbes kasi na sa malalaking ospital magtrabaho, pinili niyang magtrabaho at manungkulan sa pamahalaang lungsod ng Malabon. Mahigit tatlong dekada nang government doctor si ‘Dr. Gratis’ at naikot na niya ang buong Malabon sa pagsisilbi sa mga may karamdaman.
Dahil sa rami ng mga may sakit, walang oras na siya’y ‘di kumikilos dahil hanggang sa kanyang bahay ay nagtatrabaho si ‘Dr. Gratis.’
Kamakailan lang ay muli ko na namang dinalaw si ‘Dr. Gratis’ na may bitbit na dalawang kapatid sa hanapbuhay mula sa media. Gaanoman ang aking pilit para kunin ang ibinabayad ng dalawang media people na ating dinala, talagang ayaw tanggapin ni ‘Dr. Gratis’.
Mabibilang sa daliri ang katulad ng doktor na ito kaya sa pamamagitan man lang ng kwentong ito ay mapaspasalamatan natin si ‘Dr. Gratis’.
Ang ‘Dr. Gratis’ na laman ng ating kwento ay si Dr. Isauro N. Garcia, hepe ng Health Department ng pamahalaang lungsod ng Malabon.
Ang istorya ni Dr. Isauro N. Garcia ay kwento ng pag-asa para sa mga walang-wala na may karamdaman subalit nais pang lumayog ang buhay. CHOKEPOINT/BONG PADUA
