KUNG tapat at totoo si MMDA chair Francis Tolentino, DOTC chief Jun Abaya at ang Malakanyang na gustong lutasin ang malalang daloy ng trapiko sa Kalakhang Maynila o saan pang lugar ng bansa, may solusyon.
Ang tanong, handa ba kayo?
Kaya ba ninyo na mawalan ng kita mula sa 9 na libong bus na pawang kolorum pero todo-pasada dahil sa basbas ninyo? Alam na alam ng MMDA iyan. Alam na alam ng DOTC, LTFRB, LTO, PNP-HPG at lahat ng local traffic enforcers sa buong Metro Manila. Bakit ayaw ng mga ahensiya na patigilin sila?
Kumuha kayo ng pinakamalaking calculator, mga kababayan, at kwentahin natin ang “hulugan” sa araw-araw, linggo-linggo, buwanan at taunan pa.
P200 araw-araw ang koleksyon sa Guadalupe, Makati. May sungkit pa iyan sa Cubao, Quezon City. P1,000 ang lingguahng “butaw” sa lahat ng pumapasa na bus – may prangkisa o wala. Tig-P6 libo naman kada buwan. Sa buong taon, may panggrasa na P45–60 libo naman para sa buong laya na operasyon.
Nakwenta ninyo? Kahit pakawalan sa balita araw-araw ang tungkol sa payola ng sindikato sa transportasyon, wala tayong maaasahan na sagot at pag-amin mula sa ulo ng mga ahensiya ng gobyerno na sangkot dito.
Para lang iyan sa mga kriminal na nahuhuli ng mga alagad ng batas natin.
Kahit sandamakmak na ang testigo sa ginawang krimen, “wala kaming alam, inosente kami sa bintang na iyan.”
Katulad na lang ng solusyon ng MMDA at DOTC na may basbas ang LTO at LTFRB. Kapos daw sa transportasyon ang mga pasahero dahil sa maya-maya na sira ng MRT3. Naglabas sila ng dagdag na bus para raw tumulong sa paghahatid ng mga pasahero. Ang idinagdag na bus? Puro bawal dahil sa batas ng number coding!
May solusyon ang malalang problema ng Metro Manila kung totoong gusto ng mga namumuno na mapaluwag ito, lalo na ang EDSA, kung aayawan nila ang payola ng sindikato ng transportasyon. ‘Yung hindi sila magpapaalipin sa PERA!
Tanggalin lahat sa kalsada ang bumibiyaheng kolorum na bus, jeepney at taxi. Halos 20 libo araw-araw na bumibiyahe ang mga iyan na wala pang disiplina. Sakay-baba sa bawal, hintay-pasahero sa gitna ng lansangan o kaya ay tila nangingitlog sa paghihintay ng pasahero.
Nagagawa nilang lahat iyan dahil alam nila na BAYAD NA ANG MMDA AT MGA KAKUTSABA NA AHENSIYA ng transportasyon!
Opo, wala talagang aamin sa kanila kaya ang mga maliliit na traffic enforcer nila, sa tabi-tabi na lang namemera sa mga motorista!
Ukkinnayo amin!!! BALETODO/ED VERZOLA
