MARAMI iba’t ibang ibig-sabihin ang “number 2”.
Sa mga relasyon at sa mag-asawa, halimbawa, hindi maganda ang ibig-sabihin ng number 2.
‘Pag number 2 kasi, kaagad kalaban ng number one, at hindi dapat magkaroon ng number two ang isang tao.
Pero hindi naman lahat ng ibig-sabihin nito ay hindi maganda.
Kung tutuusin ang number 2 ay simpleng kasunod ng number 1.
Ito ngayon ang usapan patungkol sa nalalapit na halalan.
Sa Amerika, sigurado na maihahalal ang Vice President kapag nanalo ang kanyang Presidente kasi nga block voting doon na ang ibig-sabihin ay isa lang ang boto para sa Presidente at Bise niya, tandem talaga lagi.
Dito sa atin iba at taliwas ang kalakaran.
Sa atin sa Pilipinas, kadalasan ang pinipili na Bise ng isang kakandidato bilang Pangulo ay ‘yung makatutulong lamang sa kanya na madagdagan ang kanyang boto.
O kaya naman, ang iniisip ng iba, ang kukunin na Bise ng isang Presidential candidate ay ‘yung potensyal na kalaban niya sa halalan para hindi na makatakbo pa ito para kumontra sa kanya.
Para nga naman wala na siyang poproblemahin pa na tatakbo laban sa kanya.
Hindi nga sana ganito, ito ang dapat na mabago.
Pareho ang kwalipikasyon ng mga tatakbo pagka-Pangulo at pagka-Bise Pangulo.
Kaya dapat naman sana na ang kukunin na katambal ng isang kandidato sa pagka-Presidente ay ‘yung totoong makatutulong sa kanya.
‘Yung kapag wala ang Presidente ay maaasahan na papalit para akuin ang kanyang trabaho, hindi ‘yung katatakutan pa niya na agawan siya ng puwesto.
Napaka-counter productive ng sistema sa atin.
Imbes na ang number 2, na maaaring kasing galing ng number one, ay maaasahan na magiging katuwang sa magandang liderato ay parang pinipili lang ito para maialis sa labanan at hindi na maging sagabal sa pagtakbo ng isang kandidato sa pagka-Pangulo.
Nawawalan tuloy ng tibay ang tanggapan ng Pangalawang Pangulo sa sistema ng demokratikong gobyerno ng Filipino.
Hindi dapat ganito.
o0o
Mag-email ng reaksyon sa ariel.inton@gmail.com o kaya’y mag-text sa 09178295982 o 09235388984. SIBOL/ATTY. ARIEL ENRILE-INTON
