NALULULONG ang mga lider ng Pinas sa pulitika sa kasalukuyan.
Lahat ng mga mata nila, mga Bro, ay nakatuon sa halalang 2016.
Ang problema sa El Niño ay wala sa kanilang bokabularyo at bibihira ang may pakialam dito.
Palibhasa, hindi nila problema ang pambili ng bigas, mais at iba pang pagkain na siyang ikinabubuhay ng mga mamamayan.
At tanging ang namomroblema ay ang mga mamamayan.
PINAKAMATINDING EL NIÑO
Naranasan ng mahal kong Pinas ang matinding El Niño noong 1997-1998.
Noon, mga Bro, sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration na tinamaan ng El Niño ang 70 porsyento ng Pinas at sinira ang nasa 300,000 ektaryang palayan at maisan na nagkakahalaga ng P3-bilyon.
Umiyak noon ang mga magsasaka at magmamais dahil wala silang naani.
May gutom na nga, kasama ang paghinto ng pag-aaral ng mga bata sa kawalan ng panggastos, kailangan pa silang umutang ng puhunang 5/6 para makapagsaka muli.
Mas matindi ang El Niño ngayong taon na posible umanong sumampa sa unang tatlong buwan ng 2016.
Ayon sa PAGASA, mag-iinit ang Pinas sa mga buwan ng Oktubre-Disyembre na panahon ng tag-ani ng mga palay.
At kung magkakaroon ng ekstensyon ng mainit na panahon sa Marso 2016, anak ng tokwa, paano ang second crop ng palay at pagtatanim din ng mga mais kasabay nito?
LAHAT MATATAMAAN
Inaasahang lahat ng bansa, lalo na sa Asya, ay matatamaan ng pinakagrabeng El Niño simula noong 1950.
Kung mangyayari ito, matatamaan ang mga bansang pinag-aangkatan natin ng bigas gaya ng Thailand, Vietnam, China, India at iba pa.
Kung masisiraan tayo ng mga palayan, masisiraan din ang mga bansang ito.
Nangangahuhulugan, mga Bro, ng kakapusan tayo lahat ng bigas, kasama na ang mais, na pangunahin nating pagkain.
Alalahanin ninyo na marami sa ating mga mamamayan na hindi bigas kundi mais ang pangunahin nilang pagkain.
MAGMAMAHAL
Krisis sa bigas at mais ang ibig-sabihin ng lahat ng ito, mga Bro.
Dahil sa krisis sa suplay, magmamahal din ang mga pagkaing ito.
Napakahirap na nga ng kita ng higit na nakararami sa atin, mahaharap pa tayo sa mahal na bigas at mais.
Huwag sabihin ng National Food Authority na madaraan sa importasyon ang lahat dahil masisiraan din ang mga nag-eeksport ng mga bigas at mais.
At huwag magmalaki ang NFA dahil 90 porsyento ng bentang bigas at mais sa Pinas ay kontrolado ng mga pribadong negosyante.
At huwag ring sabihin ng NFA na mag-price control ito at babahain nito ng bigas at mais ang buong Pinas dahil mahihirapan ngang umangkat ito.
Ano na lang ang mangyayari sa atin?
P5B PONDO
Sabi ni Manoy Chiz Escudero, may P5-bilyong pondo na ibinigay ng Senado sa Department of Agriculture para gamitin nito sa pagtatayo ng mga small water impounding project.
‘Yun bang === gagawa ang ng mga istayl dam na pag-iipunan ng mga tubig na sa kalaunan ay pagkukunan ng mga magsasaka ng kanilang patubig.
Pero wala umanong nangyayari.
At ang iniuulat ng DA ay ang mga paggawa ng mga farm to market road.
Anak ng tokwa, ano ang ibibiyahe ng mga magpapalay at magmamais sa mga kalsada kung wala naman silang pupwedeng linangin na lupa at kung ganun wala silang matatamnan at aanihin doon?
Wala ring maibebenta ang mga ito sa mga palengke.
EMERGENCY
Dapat na ang El Niño ay bigyan ng kagyat na atensyon ng pamahalaann,
NOW NA!
Pero hindi dapat na pulitikahin.
Halimbawa, kung kailangan ng magkapondo ang isang lugar, kahit kalaban ng pamahalaang Aquino at ni Mar Roxas ang nakaupo roon, dapat na ibigay sa kanila ang pondo para sa paggawa ng mga proyekto at hindi sa mga kakandidato na batang PNoy at Roxas.
Katulong ang mga ahensya ng gobyerno, gaya ng DA, dapat na kumilos kaagad ang lahat.
Ang totoo, nagsimula nang manalasa ang El Niño kahit sa unang bahagi ng taong ito.
Nagsimula nang bumagsak ang produksyon ng palay at mais, ayon mismo sa Bureau of Agricultural Statistics kumpara sa produksyon noong nakaraang taon.
Ang inaasahan naman na gaganda ay ang katulad ng kamote, balinghoy, karneng baboy at manok pero masisira rin ang mga pangisdaan gaya ng mga nasa fishpen at logpond sa mga lawa, ilog at tabing-dagat.
Oks ‘yang mga ulan na karne at manok pero paano mo matitiis ang kamote at kamoteng kahoy na pamalit sa bigas at mais.
Utot niyo riyan sa Palasyo na wala nang ginawa kundi mamulitika ngunit hindi kasali sa listahan ng inyong pamumulitika ang El Niño at hirap at gutom ng mga mamamayan.
o0o
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA