ANG Department of Public Works and Highways (DPWH) ay may mandato sa gobyerno na magplano at magdisenyo ng mga proyektong pang-imprastruktura, kabilang na ang konstraksyon at pagmamantina ng malalaking daanan, tulay at pangunahing flood control systems.
Ang normal na proseso ay ang mag-bid ang mga kontratista nang laban sa isa’t isa at ang mananalo ang makakukuha ng proyekto sa infrastructure projects ng DPWH.
Napag-alaman ng Firing Line na palpak umano ang isinasagawang konstraksyon sa daan na proyekto ng DPWH sa F. Manalo St. sa San Juan, na nabigo raw makumpleto noong Agosto 12 dahil sa malapagong na takbo ng mga gumagawa nito.
Inaksaya raw ng mga manggagawa ang panahon sa pag-iistambay, palakad-lakad at pagkukwentuhan nang tatlong linggo bago nila sinimulan ang trabaho sa naturang proyekto na malapit sa kapilya ng Iglesia ni Cristo.
Ang mga residente sa lugar ay naiinis at nabubuwisit sa araw-araw dahil sa matinding trapiko na idinudulot ng kabagalan sa paggawa ng proyekto ng DPWH.
Dahil batid ng mga manggagawa na imposibleng matapos ang proyekto noong Agosto 12 at para mapagtakpan ang gulo na kanilang nilikha, ay binura nila ang petsa na nagsasaad kung kailan ito dapat makumpleto.
Ayon sa ating mga espiya ay may proyekto naman sa Barangay Isabelita kung saan ang drainage pipe ng kanal ay inilagay sa ibabaw ng umaandar na tubo ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System o MWSS.
Nangangamba ang mga tao sa posibilidad na malason sila kapag kumatas ang tubo ng kanal at mapasok sa tubo ng pinagkukunan nila ng tubig.
Ang pagpapahalaga ba sa kaligtasan ng publiko ay itinapon sa labas ng bintana sa panahong pinaplano at dinidisenyo ang proyektong ito?
Ang mga tao na naninirahan sa paligid ay tahimik na nagtitiis, dahil alam nilang ang nasa likod ng naturang mga proyekto ay pansariling interes lamang ang nasa isip, at walang pakialam sa mga problema na ibinigay nila sa mga mamamayan.
Ang mga kontratista ay dapat sisihin sa pagiging palpak at pabaya sa kanilang responsibilidad sa gobyerno at sa mga tao.
Pero alalahanin na ang mga opisyal ng DPWH ay may pagkakamali rin nang piliin nilang i-award ang mga proyektong ito sa mga iresponsable at hindi karapat-dapat na kumpanya.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View. FIRING LINE/ROBERT ROQUE, JR.
