MUKHANG nahihirapang makabuo ng senatorial line-up para sa darating na 2016 election si Vice-President Jejomar Binay dahil na rin sa rami ng kasong kinasasangkutan nitong katiwalian at ng kanyang pamilya.
Ayon sa ating source, kahit na mga laos at talunan ay kukunin na ni Binay makabuo lamang ito ng senatorial line-up.
Kapag nangyari ito, mukhang mahihirapan ang ating Bise-Presidente na masungkit ang pinakaaasam nitong posisyon, ang maging pinakamakapangyarihang tao sa Pilipinas.
Kung saka-sakali ay mababalewala ang matagal na nitong paghahanda dahil simula nang mahalal itong Ikalawang Pangulo ng bansa ay nagdeklara na ito ng kanyang kahandaan na sumabak sa 2016 election.
Ngunit dahil sa ginawang ito ni Binay, marami ang nagkainteres na sirain ang kredibilidad nito sa pamamagitan ng paglabas ng mga umano’y katiwalian na kinasasangkutan nito at ng kanyang pamilya.
Ipinagmamalaki ni Binay na kayang-kaya nito ang laban kung si Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Mar Roxas lamang ang kanyang makahaharap sa darating na election.
Isipin din siguro itong mabuti ni Binay, nang talunin nito si Roxas ay may grupong kumalaban kay Mr. Palengke kung saan ay nabuo pa ang Noy-Bi na naging dahilan upang mas lalo pang lumakas ang kandidatura noon ng dating alkalde ng Makati City.
Hindi pa rin nasasangkot sa katiwalian ang pangalan ni Binay nang mga panahon na iyon kaya nailampaso nito si Roxas pero sa kasalukuyan, maaaring talunin ito ng ating DILG secretary dahil mukhang mas pinapaboran ng mga botante ngayon ay ang mas kaunti ang nagawang kamalian sa pamamahala.
Dapat ngayon pa lang ay kumikilos na ang galamay ni Binay upang hindi tuluyang masira ang kredibilidad nito sa pamamahala sa gobyerno, hindi rin sagot ang ginawa nitong pagbatikos sa administrasyon dahil ilang taon din siyang naging bahagi nito.
Sakaling hindi makakuha ng malalakas na kandidato sa pagkasenador ang kampo ni Binay ay malamang na mahihirapan itong manalo dahil hindi siya nito mabibitbit sa mga lalawigan na maaaring mapagkunan ng malaking boto. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO