MAAALALA pa ba ninyo, mga Bro, ang ibinalita natin noon na tinedyer na babae na nireyp na, sinunog pa sa Marawi City, Lanao del Sur?
Nagkaroon na po ng hustisya ang kanyang pamilya.
Kung nilagutan ng buhay ng mga mga suspek ang kaawa-awang biktima, nilagutan din sila ng buhay nitong nagdaang mga araw lamang.
Subalit apat pa lang sa pitong salarin ang nakakalawit ng batas at kamatayan.
HULI AGAD
Sa testimonya ng mga saksi, nakilala ang mga suspek na sina Jabbar Macacua, Elias Pimping, Salman Udag and Jalil Sani.
Nakita ang mga itong tumatakbo palabas ng bahay ng biktima na nasusunog sa tanghaling tapat.
Nag-iisa ang 13-anyos na dalagita sa kanilang bahay dahil ang kanyang mga magulang at ibang kabahay ay nasa mosque para magdasal.
Dito sinamantala ang biktima ng mga suspek.
NAKADROGA
Anak ng tokwa, umamin umano ang mga suspek na nakadroga nang gawin nila ang krimen.
Masahol pa sa hayop na pinilahan ng mga ito ang biktima.
At nang makaraos na ang mga tarantado, sinakal nila ito para mamamatay.
Upang tiyak na mamamatay ang biktima at para walang maging testigo at mabura ang anomang ebidensya, sinunog na rin nila ang bahay. Saka sila mabilis na nagsitakasan.
Subalit sadyang hindi maitatago ang malagim na krimen at sa paglutang ng mga saksi sa krimen, nalambat ang mga suspek ng mahabang kamay ng batas.
BITAY INIHAYAG
Bago mawala sa selda sa Marawi City ang mga suspek, napag-alamang walang nagsampa ng demanda at may nagtakda, kahit sa Facebook, ng kanilang kamatayan bilang parusa.
Pugot-ulo pa nga ang hinihiling at ayon umano ito sa batas na Sharia.
Nahuli ang mga mga suspek noong Agosto 15, isang araw matapos gawin nila ang kahindik-hindik na krimen.
At ilang araw lang ang nakalipas, natagpuan na ang bangkay ng mga suspek sa likuran ng isang abandonadong ospital sa Marawi City.
GARAPALAN
Ayon sa mga gustong magpairal ng batas, iligal umano ang naganap na pagpatay sa mga suspek.
Dapat umanong dumaan ang mga ito sa due process o paglilitis.
Magkaroon ang mga ito ng pili nilang abogado at makaraan ang mga pagdinig, saka na lamang magpasya ang hukuman na maaaring sharia court o mga hukuman sa labas nito gaya ng regional trial court.
Subalit hindi sinampahan ang mga ito ng demanda man lang ng mga pulis at misteryong naglaho na lang ang mga ito sa selda hanggang sa matagpuan na lang ang kanilang mga bangkay sa isang ‘di kalayuan lugar sa lungsod.
TAMA LANG
Ayon naman sa iba, tama lang ang naganap.
Kung daraan umano ang mga ito sa paglilitis, baka makalaya pa ang mga ito sa bisa ng piyansa o pagpapatakas ng mga kasabwat nila sa Bureau of Jail Management and Penology.
At maaaring uulit na naman ang mga ito sa paggawa ng krimen.
Ang lipunan na rin mismo ang mapeperhuwisyo at mababastos at malalagay lang sa alanganin ang batas.
BITAY BUHAYIN
Para sa atin, mga Bro, sa rami ng mga nagaganap na karima-rimarim na krimen, mabuti talagang muling buhayin ang parusang bitay at pairalin ito sa sinomang mamamayang Filipino, maging sa sinomang dayuhang mapatutunayang nagkasala nang mabigat sa loob ng ating bansa.
Pero ang kakambal ng parusang bitay ay mahigpit, patas at mabilisang paglilitis.
Walang dapat na sinisino, walang mayaman o mahirap, at kung napatunayang nagkasala ang isang akusado nang walang pagdududa, kailangang mabilis na isagawa ang pagbitay.
Pwede ang firing squad, pwede ang lason at pwede ang pagbigti gaya ng ginagawa ng maraming bansa.
At paano kung hihilingin ng mga pamilya na isagawa ang pagbitay sa harapan ng publiko?
HINDI EPEKTIB
Sabi ng mga kontra-bitay, hindi raw effective laban sa krimen ang parusang bitay.
‘Yun bang === hindi mapipigilan ang pagdami ng krimen at mga kriminal.
Hindi tayo kumporme riyan, mga Bro.
Halimbawang mga nagpapalaganap ng droga at sobrang adik, gaya ng mga suspek sa pag-rape at pagsunog sa nabanggit nang biktima, ang mabitay, aba, malaking kabawasan sa krimen ‘yan.
‘Di ba sinasabi ng record ng mga pulis na higit na nakararami sa mga krimen ngayon ang gawa ng mga adik, pusher at druglord?
Kung kukunin ni Lord sa pamamagitan ng mga punerarya ang mga ito, sinong may sabi na hindi epektib ang bitay laban sa krimen?
Hindi nga lang pinapansin ng mga korap sa pamahalaan ang batas sa parusang bitay at hinaharang pa nga nila ang pagbabalik nito dahil kasama sila sa dapat na mabitay. Hehehe!
o0o
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA