MAY isang panukalang batas ang isinusulong sa Kongreso ni Congressman Rodito Albano ng Isabela.
Sobrang kontrobersyal ang House Bill dahil ang layon nito ay gawing ligal daw ang paggamit ng marijuana para gawing gamot.
Ang daming ayaw, marami ang tutol, matindi ang magiging debate nito kung sakaling maisalang sa Plenaryo ng Kamara ang panukalang batas.
Siguro marami sa inyo ang kagaya ko na hindi pa nababasa ang teksto ng Bill na ito ni Rep. Albano.
Alam ko marami sa inyo ang pareho ko na ang opinyon ngayon ay base rin lang sa mga naririnig natin at nabasang balita tungkol sa kontrobersyal na panukalang batas.
Kaya sabay nating pag-isipan ang ibig mangyari ng batas na ito. At ako, gusto ko talagang mabasa ang mga titik ng House Bill na ito ni Cong.
Ang sabi ni Cong. Albano maraming medicinal benefits ang marijuana. Kung ating sasaliksikin, marami naman talagang doktor at medical experts ang sumusuporta rito.
Maraming bansa kung saan ligal ang marijuana at maraming pag-aaral na nagsasabing pwedeng gamot sa mga mahihirap na sakit tulad ng epilepsy ang kaya raw pagalingin ng marijuana.
Ayon naman sa mga kontra sa House Bill ni Albano, delikado raw na gawing ligal dahil maaaring abusuhin at ginagamit nga raw kasi ng mga adik.
Ngayon nga raw na lang ay marami nang gumagamit dito sa iligal na paraan, gagawin pa ba natin na ligal at madali itong makuha lalo ng kabataan.
Dahil hindi ko pa nababasa ang batas ay mahirap sanang magkomento.
Dapat naman na alam muna natin ang kabuuan ng isang kwento bago tayo magbigay ng judgment.
Pero ngayon pa lang ay may mga pwede na tayong maging opinyon–halimbawa, kung makagagamot at makatutulong sa mga matindi ang pangangailangan tulad ng sakit na kanser, bakit ipagkakait ng batas, ‘di ba?
Ang isyu ng pag-abuso ay isyu ng iba namang ahensiya. Hindi ba dapat naman na huwag magamit ang anomang bagay sa masama o maabuso anoman ito para sa krimen?
Mahaba-haba pong usapan ito. Babasahin ko ang Bill ni Albano at magkwentuhan ulit tayo.
***
Mag-email ng reaksyon sa ariel.inton@gmail.com o kaya’y mag-text sa 09178295982 o 09235388984. SIBOL/LTFRB COMM. ARIEL ENRILE-INTON
