MAITUTURING na yatang isa sa pinakamagandang naging desisyon nitong si Manila Police District Director, C/Supt. Rolando Nana, ang pagsibak sa puwesto sa hepe ng Homicide Section na si Sr. Insp. Evil Liar.
Sinasabing magmula raw nang madikit itong si Evil Liar kay Gen. Nana, ay nag-iba na ito ng ugali, lalo na nang madalas na silang maglaro ng badminton at sa katunayan, marami nang opisyal sa MPD ang galit dito.
Maging ang mga kasamahan nating mamamahayag sa MPD ay galit at masama rin ang loob sa kanya dahil madalas na hindi ito matagpuan sa kanyang opisina para mahingan sana ng kaunting detalye sa mga kasong hawak ng homicide, partikular na noong kasagsagan ng kaso ng “milktea” kung saan ay dalawa katao ang namatay.
Madalas daw sabihin ni Evil Liar sa kanyang mga pulis na ayaw niyang magpa-interview dahil hindi naman daw siya kikita sa mga reporter at kahit pangkape man lang daw ay hindi siya mabigyan.
Pero bakit nang interbyuhin siya ng isang programa sa telebisyon ngayong buwan na ito lang ay nagpaunlak siya? Ang ibig bang sabihin noon, eh, binigyan siya ng talent fee? Wow, bigat n’yo, Sir Evil Liar.
Hindi kaya nagpa-interview si Evil Liar dahil makikinabang siya sa reward? O dahil gumagawa ng paraan ang pamilya ng suspek upang palambutin ang kaso kapalit ng malaking halaga?
Bagaman nasibak sa homicide, parang pagong pa rin si Evil Liar na itinapon sa tubig sapagkat napunta ito sa Station 3, ang lugar kung saan siya lumaki. Maraming kapadong lugar sa gawi ng Quiapo itong si Evil Liar kaya makalalangoy pa rin ito upang magkamal ng salapi.
Sana, ipinasama na ni Gen. Nana kay Evil Liar ang kanyang money maker sa homicide section na sina Sarhento Loombagman at Robin.
Tandem kasi ang dalawang ito sa paggawa ng pera upang maiaabot sa hepe nila para manatili sila sa teritoryo. Itong si Loombagman ang gumagawa ng papeles kapag gusto nilang lutuin ang kaso at walang magawa ang mga imbestigador dahil siya ang dating pagador ni Evil Liar.
Ngayon kayang bago na ang hepe ng homicide section ng MPD na si Insp. Dennis Javier, anak pa naman ng kaibigan kong si Col. Gene Javier, ay mamayagpag pa kaya sina Bagman and Robin? ‘Wag naman Insp. Javier dahil kawawa naman ang mga tao mong matitino at nagtatrabaho nang marangal.
Napag-alamang madalas daw ipangalandakan nitong si Evil Liar na ang nagrekomenda raw sa kanya kay Gen. Nana ay ang matagal nang may hawak ng “tangga” at “lihim ng Guadalupe” na sa lengguwahe ng mga pulis ay pera.
Hmmmm, kaya naman pala, dapat sa mga ganitong opisyal ay ipinadadala sa Mindanao para roon niya ipakita ‘yung yabang niya, hindi po ba NCRPO Director, Gen. Joel D. Pagdilao?
***
Bukas po ang Lily’s Files para sa inyong mga reklamo, suggestions at komento, mag-text lang po sa 09219787042. LILY’S FILES/LILY REYES