KAILAN ko lang napag-alamang hindi pala itinatakda at mandato sa mga mayor na magbigay ng ulat sa bayan na katulad ng ginagawa ng mga Pangulo ng bansa na obligadong magbigay ng ulat sa bayan tuwing huling Lunes ng buwan ng Hulyo sa panahon ng kanilang panunungkulan.
Kaya naman, hindi kataka-taka na bagama’t may mga mayor na nanunungkulan sa napakahabang panahon ay hindi man lang sila humarap sa taumbayan kahit minsan para iulat ang mga ginagawa at accomplishment ng kanilang administrasyon.
Karamihan sa kanila ay humaharap lang sa panahon ng kampanya at pagkatapos noon ay hindi na sila makikita at makahaharap ng taumbayan.
Kaya naman bilib ako sa mga mayor na may “balls” at hindi takot humarap sa mga tao para iulat ang ginagawa ng kanilang pamunuan.
At sa buong Metro Manila, base sa pagkakaalam ko, ay tanging sina Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada at Parañaque Mayor Edwin L. Olivarez lang ang nagbibigay ng kanilang State of the City Address.
Speaking of Olivarez, nitong nakaraang Huwebes ay isinagawa niya ang kanyang ikatlong ulat sa bayan at doon ay inilunsad din niya ang bagong brand name ng Parañaque City na tatawagin nang Bay City na may campaign slogan na “Where Fun Never Stops”.
Ito aniya ay para magkaroon ito ng sariling pagkakakilanlan habang napangangalagaan pa rin ang sariling kulay, tradisyon at mga mabuting kaugalian na taglay ng isang likas na taga-Parañaque.
Kamakailan ay tinanghal na 7th Most Competitive City sa lahat ng lungsod sa buong bansa ang Parañaque sa ginanap na Cities and Municipalities Competitiveness Index na inorganisa at pinangunahan ng National Competitiveness Council (NCC).
Nagawa nila ang pagbabago sa kabila ng nadatnan nilang walang laman ang kabang bayan at mismong ang Commission on Audit pa ang nagsabi na ang lungsod ay may cash deficit na P2.786-bilyon maliban pa sa utang nitong P2-bilyon sa Land Bank of the Philippines.
Subalit pagkaraan lamang ng mahigit dalawang taon ay nalutas na ng lungsod ang problema sa pananalapi sa pamamagitan ng masigasig na paniningil ng buwis at masinop na paggastos kasabay ng kanilang tax amnesty program na nagbigay sa kanila ng P700M at loan restructuring.
Panahon na talaga para magsagawa ng regular na ulat sa bayan ang mga mayor para naman malaman ng mga tao ang ginagawa nila.
Baka naman kasi walang ginagawa ang ibang mayor kaya wala silang maiulat sa mga tao! OPEN LINE/BOBBY RICOHERMOSO