ITULOY natin, mga Bro, ang pagtalakay sa trapik sa Mega Manila.
Kahapon, tinalakay natin ang pagsuko ng Metro Manila Development Authority sa grabeng trapik sa Mega Manila at saka na lang ito lalapatan ng tamang solusyon sa 2030 o 15 taon mula ngayon.
Tinalakay rin natin ang pagsasara o pagbabara ng mga lansangan sa iba’t ibang paraan na kung matanggal lamang ang mga ipinansasara at bara, tiyak na luluwag ang trapiko.
Gayundin na kung malagyan lang ng tulay ang mga nagmimistulang kanal ng tubig na lansangan sa kahit kaunting ulan, sapa at ilog, tiyak na luluwag din ang daloy ng trapiko.
At ‘di kailangang palipasin ang 15 taon bago lumuwag ang trapiko.
LINTIK NA PULITIKA
Anak ng tokwa, sa kabila ng kainutilan ng mga ahensiyang Department of Transportation and Communications at MMDA, nagagawa pa ng mga umupo at nakaupo rito ang magpasikat at mangako ng kung ano-ano sa kanilang pamumulitka ngayon.
Wala nang sinasabi ang mga ito kundi ipagpatuloy umano nila ang Tuwid na Daan mula ngayon hanggang 2022.
Diyos ko pong mahabagin, gusto talaga ng mga ito na magpatuloy ang impiyernong trapik hanggang 2022 at 2030.
Matrapik na Daan pala talaga ang gustong ipagpatuloy ng mga nagnanais ng mataas na katungkulan sa halalang 2016 dahil ito ngayon ang isang malaking kahulugan ng Matuwid na Daan.
WALANG GINAWA
Wala akong matatandaan na ginawa ang ex-hari ng lansangan, este, kalihim ng DOTC bago ito naging boss ng mga kapitan, mayor at gobernador matapos mamatay sa aksidente sa eroplano si Jessie Robredo.
Ang klaro lang, naging hari siya sa lansangan noong July 4, 2011 hanggang Oktubre 18, 2012 at pagkatapos ng mga panahong ito pinalitan ang kompanyang Sumitomo bilang maintenance contractor ng MRT-3 ng kumpanyang hanggang ngayon ay puro kamalasan sa nasabing tren ang dala.
Bakit kaya kamalasan? Magtanong na lang kayo kina VP Binay, mga Bro, kung ano ang dahilan.
Ngayon naman, itong MMDA ay nagtitiyak ng kamalasan sa trapik sa Mega Manila hanggang 2030.
PALITAN NG CARDINAL
Cardinal Gaudencio Rosales, pwede po bang kahit paminsan-minsan, eh, bumalik kayo sa Antipolo at ipagdasal ninyo sa patron ng mapayapa at maayos na paglalakbay na maibsan ang mala-impiyernong trapik sa Mega Manila?
Pinalitan na kasi yata ni Cardinal Rosales ang nagsilbing Boy Trapik at ang Boy Suko sa pagmamando sa trapik at mukhang very effective.
Hehehe!
Nabuking kasi ng mga tsuper ng ilang sasakyan na dahilan ng trapik na si Cardinal Rosales pala ang nakiusap sa kanila na magbigayan dahil 200 sasakyan na ang apektado.
Nangyari ito, mga Bro, sa lalawigan nina Ate Vi at Senador Ralph Recto kamakailan lang.
TURISMO SUKO NA RIN
Hindi lang tayong mga ordinaryong manlalakbay sa Mega Manila ang apektado nang labis sa grabeng trapik, mga Bro.
Alam ba ninyong, pati ang mga turista ay umiiwas na rin sa Mega Manila at sa buong Pinas na rin dahil sa trapik?
Magtanong pa kayo sa mga Boy Turista.
Target ng Department of Tourism na magkaroon 10-milyong turistang dayuhan taon-taon.
Ang nangyayari, mga Bro, kalahati lang nito ang nakukumbinseng mamasyal sa Perlas ng Silangan.
Kasi naman, matrapik na sa ating mga paliparan na dahilan ng mga delayed flight, matrapik pa sa lupa, lalo na sa Mega Manila.
Sino ang gaganahang mamasyal sa lugar na wala kang makita kundi ang mga lansangang nagmimistulang parking lot?
At saka lang gagalaw kung may escort na pulis na nakawangwang at nagsisilbing Hawi Boy ng tourist bus.
NAGKAKASAKIT AT LUGI
Pinag-aaralan natin epekto sa mga negosyo at mamamayan ang trapik.
Dahil sa trapik, nagdodoble o nagtitriple ang oras na ginugugol ng mga tsuper at mananakay sa mga daan. Pagod na pagod na ang mga tsuper, nagkakasakit pa sila sa maruming hangin.
Pagkatapos, mga Bro, huhulihin pa sila ng mga kotong cop at traffic enforcer dahil sa mga patakaran sa number coding, truck ban at out of line.
Libo-libong piso ang sinisingil ng mga pulis, traffic enforcer sa mga violation kuno ng mga tsuper. At alam ba ninyo kung kanino tumatakbo ang mga ito para mabawi nila ang kanilang mga lisensya.
Siyempre, sa mga may-ari ng mga sasakyan.
Lugi ang negosyo dahil sa kakarampot na kita, humihigop ng balde-baldeng sabaw at lumalamon ng laman ang mga taong nagmamando para sa grabeng trapik.
Oooops, mga mahal na Cardinal, ipagdasal po naman ninyo kami sa mga inutil at mangongotong sa grabeng trapik!
o0o
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA
