MUKHANG nagkakamali sina Vice President Jojo Binay at Sen. Grace Poe kung inaakala nilang isa sa kanila ang pipiliin ni Manila Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada para iendorso sa pagka-Pangulo sa 2016 presidential elections.
Mukhang pinaikot at pinaaasa lang sila dahil sa kalaunan pala, si Interior Sec. Mar Roxas lang ang pipiliing maging manok ni Erap.
Gaano ba kasi katotoong isang “deal” ang nangyari kaya napilitang ibigay ni Erap ang kanyang endorsement kay Mar?
Sa kumakalat na balita, kapalit daw ng endorsement ni Erap ay kalayaan ni Sen. Jinggoy Estrada sakaling manalo si Mar sa darating na eleksyon.
Bukod pa umano ito sa pangakong P20-milyong pondo na ibibigay kay Erap para sa kanyang kampanya laban kay dating Mayor Alfredo Lim.
Kung ganito ang mangyayari, parang tinalikuran ni Erap ang matalik na kaibigang si Binay. At si Grace naman, bilang kanyang inaanak, lumalabas na ilalaglag ni Erap.
Ito ay mga ugong lang naman na dapat hanapan ng kasagutan.
Higit na masakit ito sa bahagi ni Mayor Lim kung totoong nangyari ang nasabing “deal.”
Hindi lingid sa kaalaman ng lahat, si Lim ay nasa Liberal Party at kapartido ni Mar. Bilang kasapi ng LP, naging tapat si Lim at hindi humiwalay kay Pangulong Aquino sa kabila ng mga kapalpakan ng administrasyon nito.
Pero ang problema kung may bisa pa ang madyik ni Erap sakali ngang si Mar ang kanyang piliin.
Hindi nakatitiyak na sa pamamagitan ng kanyang endorsement ay siguradong mananalo na si Mar sa eleksyon.
Napakabigat ng laban ni Mar at patunay rito na hanggang ngayon, kulelat pa rin siya sa mga survey at patuloy na nangunguna ay sina Binay at Grace.
Hindi kaya mali ang diskarte ng kampo ni Erap? Higit na may proteksyon siya kung kay Binay o Grace siya nakipag-“deal” kapalit ng kalayaan ng anak na si Jinggoy dahil sa higit na may panalo ang dalawang ito kumpara kay Mar.
Kailangang linawin ni Erap kung may katotohanan ang isyung pakikipagsara niya ng “deal” kay Mar.
Hindi ito makabubuti, sa totoo lang, sa kanyang pangalan lalo na sa kaibigan niyang matalik na si Binay at kanyang inaanak na si Grace. KANTO’T SULOK/NATS TABOY
