KAPANSIN-PANSIN ang ginawang pagtungo at pakikidalamhati ni Vice-President Jejomar Binay sa pagyao ng kapatid ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo.
Marami sa atin ang agad na naibigay ng kuro-kuro hinggil sa naging aksyon ng ating Bise-Presidente na mukhang nanghihingi ng suporta sa dating kanyang binabanatan noong ito pa ang Pangulo ng bansa.
Alam naman natin ang pulitika sa Pilipinas, kung noon ay kalaban mo ang isang politiko, sa susunod ay maaari mo itong maging kasangga para lamang manalo sa eleksyon ngunit mukhang maling-mali ang ginawang ito ni Binay.
Sa dinami-rami kasi ng maaaring mahingian ng tulong ay roon pa ito lumapit sa taong kinaiinisan ng maraming Filipino at hindi ito maganda para sa kandidatura ng ating Bise-Presidente.
Marami ngang politiko ang umalis sa kampo ni GMA dahil alam nilang maaaring makasira ito sa kanilang karera sa pulitika ngunit kakaiba ang naging aksyon ni Binay dahil ito pa mismo ang lumapit sa kinaiinisan ng maraming botante.
May mga politiko nga ang nagtaas ng kilay sa ginawang ito ni Binay at ayon pa sa bulong-bulungan, mukhang frustrated na raw ang ating Bise-Presidente dahil kung sino-sino na lamang ang nilalapitan nito.
Natatandaan pa kaya ni Binay na si GMA ang nagpakulong sa kanyang naging ka-tandem noong 2010 election na si dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph Estrada?
Hindi rin ba naisip ni Binay na posibleng magkaroon ng tampo sa kanya si Estrada sa ginawa niyang ito dahil kahit sinabi noon ni Erap na napatawad na nito si GMA ay alam naman nating lahat na isa itong pagkukunwari lamang?
May nagsabi rin na posibleng ang paglapit ni Binay kay GMA ay upang manghingi ng payo kung paano haharapin at paano tatakasan ang kinahaharap nitong mga kaso ng katiwalian maging ng kanyang pamilya.
Kahit ano pa man ang dahilan ng ginawang ito ng ating Bise-Presidente ay malaki ang naging epekto nito sa mga botante at dapat na harapin ni Binay kung anoman ang maging desisyon ng mga Filipino. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO
