ANO ba ang mga katangian nitong si ACT-CIS Partylist Rep. Samuel “Sir Tsip” Pagdilao para mapabilib niya itong si Davao City Mayor Rodrigo “Dugong” Duterte, na matunog na tatakbo sa pagka-Pangulo sa darating na 2016 Presidential Election?
Biruin mong sa kanyang programa sa radio ay pormal na inendorso ni Duterte si Sir Tsip Pagdilao at tinawag pa niya itong “the future senator”, kasabay ang nakatataba ng puso na papuri.
“Ang senador ko!” ang walang kagatol-gatol na pahayag ng Mayor ng Davao City sabay sabi sa publiko na gusto niya si ACT-CIS Partylist Rep. Samuel “Sir Tsip” Pagdilao na maging senador sa 2016.
Ipinagmalaki ni Duterte, na ang gaya raw ni Pagdilao ang dapat pagkatiwalaan, dahil noong naging pulis ito, walang negatibong bagay o puna na naidikit sa kanyang pangalan at ang tulad nito ang dapat sa Senado.
Sabagay, alam ni Duterte ‘yun dahil bilang nasa gobyerno, ay nalalaman niya ang mga nangyayari, lalo na sa hanay ng kapulisan, at malinis ang pangalan ni Pagdilao sa PNP.
Ang pag-endorso ni Duterte kay Sir Tsip Pagdilao ay hindi na kagulat-gulat dahil parehas silang maituturing na ehemplo ng mabuti at malinis na pamamahala at paglilingkod sa bayan.
Sa loob ng 37-taon, nagsilbi si Pagdilao bilang kasapi ng Philippine National Police at naging Direktor ng Criminal Investigation and Detection Group, isa sa mga nagtatag ng Special Action Force at kilala sa pagiging matinik kontra-krimen. Hindi rin inatrasan ni Sir Tsip ang mga kasamahan sa serbisyo na nasangkot sa mga maaanomalyang transaksyon at scam sa serbisyo.
Isang de-kalibreng abogado rin itong si Sir Tsip at marami nang natanggap na parangal mula sa gobyerno at pribadong sektor. Noong 2012, ginawaran siya bilang isa sa mga Ten Outstanding Filipino Awardees at isa sa mga Ten Outstanding Policemen of the Philippines. Bukod pa ito sa 95 na award at commendation na natanggap niya sa serbisyo.
Sumailalim din siya sa training mula sa British Royal Marines Commando sa England.
Mapagkawang-gawa rin itong si Sir Tsip. Itinatag niya ang Country’s Outstanding Policemen in Service (COPS) Awards noong ito ay Pangulo ng Rotary Club New Manila East, katuwang ang Metrobank Foundation.
Kinikilala ng COPS ang mahuhusay na mga pulis at nagbibigay ng karampatang gantimpala para sa kanilang pinamalas na dedikasyon sa serbisyo at sa komunidad.
Naging Immediate Past District Governor din siya ng Rotary International District 3780, kung saan pinamunuan niya ang pagsasakatuparan ng mga programang naging kapaki-pakinabang sa mga nangangailangang komunidad.
Kung bibigyan daw siya ng pagkakataon para isulong ang pagtakbo sa Senado, panghahawakan ni Pagdilao ang pagpapanitili ng peace and order, kontra-kriminalidad, at ang pagsugpo sa katiwalian, bilang mga plataporma.
Pinuri niya ang mahusay na pamamalakad ni Mayor Digong sa Davao City na kilala sa larangan ng kapayapaan at kaayusan. Dagdag pa ni Pagdilao, magsilbi sana itong halimbawa para sa mga lider pati na rin sa mga nangangalaga at nagpapatupad ng batas, katulad ng kapulisan.
Kapansin-pansin na malapit kay Pagdilao ang peace and order, hindi lang bunsod ng pagka-pulis nito, kundi dahil para sa kanya, mahalaga ito hindi lang para sa katahimikan sa komunidad, at para na rin sa ikauunlad ng ibang aspeto, tulad ng negosyo at ng ekonomiya.
***
Bukas po ang Lily’s Files para sa inyong mga reklamo, suggestions at komento, mag-text lang po sa 09219787042. LILY’S FILES/LILY REYES