KULANG sa kaalaman at disiplina ang ilan sa mga dahilan ng maraming paglabag sa mga patakaran sa paggamit ng lansangan.
Ito Ang Totoo: hindi lamang mga barumbado kundi pati tanga sa pagmamaneho ang naaaksidente at nandadamay pa ng mga inosente at masunurin sa batas na mamamayan.
Gaya nang pinuna na natin sa nakaraan na maling paggamit ng “flashers” o “hazard lights” kapag malakas ang buhos ng ulan, mahalaga rin na maunawaan ng lahat ang dapat kalagyan ng anomang sasakyan sa lansangan batay sa tulin ng takbo nito.
Sa Metro-Manila, partikular sa EDSA, ay may mga “bus lane” at “motorcycle lane” na itinalaga na kung susundin lang sana ay malaking ginhawa sa mga mananakay at motorista.
Pero ningas-kugon o pakitang-tao ang MMDA na may mga mga tauhang kotong lang ang nasa ulo.
Sa Gitnang Luzon, may mga bahaging malapad ang Jose Abad Santos Ave. (JASA) na dating Gapan-San Fernando-Olongapo (GSO) Road, kung hindi apat na “lane” ay may anim pa.
Pero sa mga bahagi ng JASA sa Lubao at Guagua, Pampanga, naglipana ang tricycle sa hi-way na gaya ng mga ilang kotse, truck at iba pa, ay walang pakundangan sa pupuwestuhan, mabagal man o mabilis ang takbo ng sasakyan.
Sa halip na sa “outer lane” dahil mabagal, nagbababad pilit sa inner lane na dapat pang-“overtake” at mabibilis ang takbo na sasakyan lamang.
Ganyan din ang problema sa hi-way sa may Manggahan, Subic, Zambales na kakapuranggit na nga lang ang “4-lane” na bahagi ay nasa “inner lane” rin parati ang mga tricycle at mababagal na sasakyan.
Ito Ang Totoo: kung tutuusin, pwede namang lampasan sa kanan ang mababagal na sasakyan na nasa “inner lane” pero mali ito, bukod sa delikado.
Kung dumaan sa eksaminasyon ang nagmamaneho nang kumuha ng lisensiya sa Land Transportation Office (LTO), dapat alam niya ito.
Ang simpleng paglabag sa patakaran sa trapiko sa lansangan ay maaaring mauwi sa aksidente at kapag nakasanayan ay maaaring simula ng ugaling paglabag sa anomang batas sa bansa. Ito Ang Totoo! ITO ANG TOTOO/VIC VIZCOCHO, JR.