BUONG-PUSONG paghingi ng paumanhin ang ipinararating ng kapatiran ng Iglesia ni Cristo sa lahat ng naapektuhan sa naganap na trapik sa EDSA.
Sa personal na panayam ng ULTIMATUM sa isa sa miyembro ng Sanggunian, sinabi nitong ikinalungkot nila ang pangyayari ngunit kailangang maipakita sa gobyerno na hindi tatanggapin nang “paupo” ng kapatiran ang animo’y persekusyon na ginagawa ni Department of Justice Sec. Leila de Lima.
HUGOT NI SEC. DE LIMA
Malaki ang duda ng Iglesia na malalim ang pinaghuhugutan ni Sec. De Lima, dahil nabatid na una nang inimbestigahan at pinasinungalingan ng National Bureau of Investigation na nagkaroon ng “abduction” sa mga tiniwalag na ministro, pero pilit pa rin n’yang pinanghimasukan ang imbestigasyon.
Dapat sana ay mga prosecutor lamang muna ang pahawakin sa kaso pero personal n’ya itong pinakialaman.
Sa ganitong pangyayari ay hindi natatakot ang Iglesia sa prosekusyon ang kanilang pinag-aalala ay ang persekusyon.
‘Yun bang === personalan na laban.
KUMUKULONG NETIZENS
Maihahalintulad sa kumukulong bulate ang galit ng mga motoristang naipit sa trapiko sa kahabaan ng EDSA (isa rin po ang ULTIMATUM sa naging biktima).
Sari-saring reaksyon ang naipahayag ng netizens.
Nandyan na ‘yung umuusok ang ilong habang tinitipa ang galit sa Facebook na may kasama pang mura.
Sagot ng kapatiran… pagpaumanhin po ninyo at sila rin po’y humihiling ng kaunting pang-unawa.
HINDI INC ANG ULTIMATUM
Lilinawin ko lang po.
Hindi po INC ang ULTIMATUM at lalong hindi rin po ako konektado sa pamunuan nito.
Nagkataon lang na nasubaybayan natin ang umpisa at lahat ng kaganapan ng INC.
Kaya naman buong lakas-loob natin itong isinusulat.
DISIPLINA HINDI SABOTAHE
Bilang pagpapakita ng disiplina ng kapatiran, makalipas ang ilang araw na pagpoprotesta sa EDSA, nilinis ng mga ito ang kalye para lamang maipakita na hindi pahirap sa pamahalaan ang kanilang layunin kundi ang mabigyan lamang ng patas na laban ang kanilang hinaing.
Anila, “Wala kaming layuning isabotahe ang gobyerno o ang mga motoristang mamamayan.
“Ang amin lang ay dinggin ang aming isinisigaw na galangin ang simbahan.”
SALAMAT SA SUMUPORTA
Buong-pusong pasasalamat din ang ipinararating ng INC sa lahat ng nagbigay ng suporta, partikular na sa mga kapatid nito na nanggaling pa sa malalayong lugar.
Siyempre kasama rin sa pinasasalamatan ang mga miyembro ng media na tumutok sa mga pangyayari na naging daan para pansinin ng pamahalaan ang hinaing ng INC.
PAANO ‘YUNG NASAKTAN NA MEDIA?
Isa sa nasaktan dahil sa naghihimutok na damdamin ng kapatiran ay ang cameraman ng ABS-CBN na ayon sa ilang kapatiran ay nagiging kritik laban sa simbahan na umano’y wala na sa lugar.
Hep! Hep! Hep!
Hindi na po tama ‘yan!
Para sa kaalaman ng mga nanggigigil na INC sa ABS-CBN… Kami po bilang mamamahayag ay nagsisilbing mensahero lamang ng impormasyon.
Huwag naman po sanang kami ang pagbalingan n’yo ng galit.
Marapat nga lang po na kami ay inyong suportahan dahil kami rin sa media ang magsisilbing boses n’yo sa taumbayan at sa buong mundo.
KUNSINTIDOR
Sana ho ay pasinungalingan ng INC ang sinasabi ng karamihan na ang pamunuan ay kunsintidor sa kanilang mga kapatid na abusado.
Siguro naman kung mapananagot natin ang nanakit na ito sa kapatid ko sa media ay lalo n’yong makukuha ang respeto ng ULTIMATUM at ng sambayanan.
ABUSADONG MEDIA
Doon naman sa mga abusadong kapatid ko sa media na kapag sumulat ay para bang higit pa sila sa pinakamalinis na tao kung makabatikos.
Aba’y maghunusdili kayo baka kayo gibain sa ginagawa n’yo.
Gaya noong isang diyaryo na nagpapanggap na broadsheet.
Sa ilang libong tao na dumalo sa pagtitipon iisa lang ang nainterbyu nila at ang sagot pa ay… Wala raw siyang napala sa ipinunta n’ya sa pagkilos sa EDSA.
Hay naku!
Alam pa kaya ng mga ito ang sinasabing “fair and balanced reporting?”
OPORTUNISTA
Panawagan sa aking mga kapatid sa media na huwag naman sana tayong maging oportunista.
Sa pagkakataong ito ay nalalagay sa isang malaking pagsubok ang Iglesia ni Cristo.
Sa halip na maging oportunista at durugin ito, mas maganda sigurong imulat nating mabuti ang ating mga mata kung ano ang tunay na agenda sa mga nagaganap na kaguluhan.
Maraming usapin dito na hindi basta madaling unawain ng ordinaryong mamamayan, lalo na sa labas ng kapatiran at mga gustong manghimasok dito.
May mga nagpipingkian na mga abogado kung ano at kung sino ang tama sa mga ligal at pang-Konstitusyon na usapin.
May mga gumagalaw namang pulitika na malalim ang gustong sisirin, lalo’t palapit nang palapit ang halalang 2016.
Sana hindi mahahaluan ang kaguluhan ng mga kasinungalingan at pawang katotohanan lang ang iiral.
o0o
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA
