NANINIWALA ako sa pananaw ng PISTON dahil sa panahon ni Abaya lalong nabawasan ang tren ng MRT, humaba nang humaba ang pila sa MRT stations, tumaas ang pamasahe sa MRT habang patuloy na tumataas ang peligro sa tren na ito, pirmado pa niya ang $15-milyong kontrata ng MRT sa maintenance service ng kumpanya ng kamag-anakan ni Al Vitangcol III, at aprubado niya mismo ang P3.8-bilyong proyekto ng Land Transportation Office (LTO) na pagpapalit ng plaka ng mga sasakyan kung saan nadiskubre ng Commission on Audit (COA) na labag sa Republic Act No. 9184 at iligal, at nagkawindang-windang ang trapik sa halos lahat ng sulok ng Metro Manila.
Sabi ni Abaya, huwag mag-alala ang publiko, sapagkat hindi naman “fatal” ang trapik.
Buwisit!
Hindi ba alam at nauunawaan ni Joseph Emilio Abaya na pinapatay ng trapik ang malaking bahagi ng ekonomiya?
Hindi ba alam at naiintindihan ni Joseph Emilio Abaya na bilyon-bilyong halaga ang nasisira sa ekonomiya dahil sa napakalalang trapik?
Sabi pa ni Abaya, mareresolbahan ang mga problema sa pampublikong transportasyon at trapik sa susunod na anim na taon.
Inihalimbawa niya ang proyektong magpapaunlad sa sistema ng riles sa bansa na inaasahang magaganap sa 2021—iyan ay ilang buwan bago matapos ang termino ng susunod na Pangulo.
Ngunit, hindi idiniin ni Abaya na ang tinutukoy niyang panahon ay nangangampanya at nag-iikot na ang kakandidato sa pagka-Pangulo, pagka-Pangalawang Pangulo, pagka-senador at iba pa kahit hindi pa opisyal na simula ang kampanya alinsunod sa itinakda ng batas sa halalan.
Maalala ko pala, si Abaya ay hindi kasama sa kinasuhan sa $15-milyong kontrata ng MRT sa PhilTrams Corporation kahit na aprubado niya ito, ayon kay Vitangcol.
Sa isyu ng P3.8-bilyon, kasama sina Abaya at iba pang mga opisyal ng DOTC at LTO tulad nina Jose Lotilla at Alfonso Tan, Jr., ngunit hindi pa isinasampa ng Department of Justice (DOJ) sa pangunguna ni Sec. Leila de Lima sa Office of the Ombudsman.
Si Abaya nga pala ang pangulo ng Liberal Party kung saan inaasahang tumakbo bilang senador si De Lima.
Naku, nangangamoy ligtasan na sa napakamaanomalyang $15-milyong serbisyo sa MRT at P3.8-bilyong proyektong plaka. Paano kung nanalo ang LP?
XXX
Problema at reaksyon n’yo, itawag sa: 09985650271 o mag-email sa: akosibadilla@yahoo.com. Bisitahin din ang: NSBADILLA.BLOGSPOT.COM BADILLA NGAYON/NELSON BADILLA

