SALAMAT sa malasakit sa bayang aking pinagmulan, kapatid na Bong Padua.
Binatikos ni Padua, kolumnista ng Chokepoint ng ating pahayagang Remate, ang kababalaghan sa Balayan Bay sa Batangas na nasira ang yamang-dagat sanhi ng polusyon na dulot ng ginawang pag-angkorahe ng mga malalaking barko.
Hindi kataka-takang kumita ang Philippine Ports Authority (PPA) at maging ang mga opisyal ng Balayan, Batangas.
Sa aking pag-uwi noong Sabado sa aming nayon, sari-saring hinaing laban sa pamunuan ng alkalde ng Balayan na si Mayor Emmanuel Fronda ang narinig ko sa aking mga kababayan.
Hindi lang sa umano’y mismomg alkade kundi maging sa anak nito na konsehal din ng aming bayan.
Mukhang itong junior din ni Mayor Fronda ang lalabang alkalde sapagkat hanggang 2016 na lang ang termino ni Fronda.
Ayon sa mga residente ng Balayan, marami nang kawalanghiyaan ang nagaganap sa kaban ng Balayan.
Hindi raw nila alam kung nasaan na ang pondo ng bayan at kung bakit at halos ayaw maglabas ng pera para sa pagsasaayos ng imprastraktura at kabuhayan.
Bukod umano sa pondo ng bayan, ang ilang ari-ariang walang titulo ay nagawan umano ng paraan ng kung sino-sino at naibenta kaya naman may nagkamal ng milyon-milyong piso.
Ang karamihan din umano ng negosyo sa Balayan iilan lang ang nagpapatakbo.
At totoo rin bang naglipana ang smuggling, drug trafficking, gun running at logging sa aking bayan?
Totoo rin bang kapag hindi ka kakampi sa pulitika ay hindi makapapasok ang negosyo mo kahit ligal at handa kang magbayad ng buwis, bukod pa sa handang magserbisyo sa mga mamamayan?
Ang laban pa raw ng mga opisyal diyan sa negosyanteng nais na mag-invest ay kung hindi sila mabibigyan ng magandang partida o porsyento ay hindi ka makapapasok diyan.
Ang lupit naman pala ng mga hari at reyna riyan.
Napuna rin ng mga taga-Balayan na ang mga badigard at eskort ng mga hari at reyna ay mga siga sa mga kalye at ibang lugar.
Panakot umano ng mga ito ang nakasukbit sa baywang na mga baril. ‘Pag dumaraan ang sasakyan nila sa kalsada ng Balayan, bukod sa nakawangwang ay parang aso lang na binubugaw ang tsuper ng sasakyang kanilang pinatatabi.
Ipinagyayabang din daw ng mga bosing ang kanilang kapit sa Malacañan at Camp Crame.
RD Richard Albano, sir, anong masasabi ninyo? PAKUROT/LEA BOTONES
