MAY isang batas na isinusulong sa Kamara na pangmahihirap “daw.”
Daw, mga Bro, dahil walang nakaaalam kung hahantong talaga sa mga mahihirap ang batas na ito at hindi sa mga mayayaman.
Sa rami ba naman ng mga magagaling sa pagpapairal ng batas na kayang paikutin ang batas para sa kanilang pansariling interes, kasama na mismo ang mga mambabatas, gobernador, mayor at taga-Malakanyang.
Heto ang panukalang batas: Free Medicines Act (FMA).
ANG FMA
Si 1-Sagip party-list Rep. Erlinda Santiago ang lumikha sa batas na pangmahihirap.
Sabi ng panukala, libre ang mga gamot para sa mga mahihirap at makukuha ang mga ito sa government district hospitals, local health units at barangay health centers.
Heto ang listahan ng mga benepisyaryo: mahihirap, maysakit, matatanda, disabled, malnourished, kababaihan at bata at pinakamahihirap sa mga mahirap.
Inuutusan ng panukala ang Department of Social Welfare and Development at mga kapitan ng barangay na kilalanin ang mga benepisyaryo at magsumite ang mga ito ng listahan ng huli sa Department of Health kada tatlong buwan para sa kaukulang pagsubaybay kung ano-ano ang mga magaganap dito.
Magkakaroon din ang panukala ng sariling badyet na mukhang dadaloy sa kamay ng DOH dahil dito nga isesentro ang aktibidad ng DSWD at mga kapitan.
JOIN ME AT KORAP
Dahil sa ganda ng panukala, oks na ito sa maraming mambabatas at ang dami ang sumakay rito.
Kaya naman, ipadadala na lamang ito sa Senado at kung mayroon ding katulad na panukala sa Senado o kung wala, eh, OKs agad sa Senado ay dadalhin agad ito sa Bicameral Conference Committee saka ipapasa at ipadala sa Malakanyang para pirmahan ni Pangulong Noynoy.
Dahil sa ganda ng panukala, ‘join me’ agad ang maraming mambabatas bilang ‘co-authors.’
Nasa 23 ang co-authors na kongresman at habang tinitingnan natin ang listahan, may mga kasong katiwalian sa Office of the Ombudsman.
Isa pa, hindi ba sa mga libreng medisina sa ilalim noon ng Priority Development Assistance Fund ay puno ng nakawan at iba pang anomalya sa hanay mismo ng mga kongresman?
UBOS NA PO
Kung ano-ano ang mga medisina na magiging libre ay wala pang nakaaalam at maaaring malaman ito sa bisa ng bubuuin pa lang na implementing rules and regulations…kung pipirmahan nga ni PNoy bilang batas.
Milyones, mga Bro, ang benepisiyaryo gaya ng mga benepisiyaryo rin ng DSWD.
Eh, kung isasama ang iba pang inilista ni Rep. Santiago, masisiraan ng ulo si PNoy sa kaiisip kung paano ito maghagilap ng pondo para sa mga ito.
Paano kung sasama sa listahan ang sinasabi ng mga sarbey na mahigit sa 50-milyon sa 100M Pinoy na naghihirap at nagugutom? Hehehe!
Eh, napakarami ang kamag-anak, suporter at kaalyado ng mga kongresman, senador, gobernador, mayor, kapitan at iba pang opisyal ng Pilipinas na gustong makinabang sa batas na ito.
Pwera pa ang mga kamag-anak, kaibigan, kalugar, kumpare at komadre, kaalyado at iba pa ng mga taga-DOH, DSWD, district hospital, local health unit at barangay center.
Alam ba ninyo ang karaniwang sinasabi ng mga ito kung may dumarating na gusgusin para magpatulong?
Simple lang: Ubos na po, bumili na lang kayo sa botika sabay turo kung saang botika at heto ang reseta. Ngeeeek!
NEGOSYO
Tiyak na bulto-bultong gamot ang bibilhin ng DOH para sa batas na ito…kung magiging batas nga.
Tiyak na pipila ang mga gumagawa ng gamot sa DOH para magsuplay ng gamot.
At sa mga pasubasta, sino-sino kaya ang mga kikita?
Sana naman, wala.
Pero, anak ng tokwa, sino ang may sabi na wala?
Sapagkat gumugulong ang ulo ng mga taga-DOH sa korapasyon kahit pa ngayong panahon ng Tuwid na Daan kuno. Hehehe!
Milyones, kundi man bilyones, ang sinasagpang ng mga korap sa pondo ng DOH.
Magtanong pa kayo sa Commission on Audit, mga Bro.
Tingnan ninyo, bago na nga ulit ang boss ng DOH dahil sa korapsyon.
IBOTO N’YO ME
Malapit na nga pala ang halalang 2016…kung matutuloy.
Tiyak na gagamitin ang batas para sa libreng medisina…kung maihahabol pa ito na sakop ng panukalang pambansang badyet.
Kung maihahabol sa nasabing panukalang badyet, tiyak na kakalampagin ng mga politiko ang DOH na magsagawa kaagad ng pasubasta at pagbili ng mga gamot.
At ituturo ng mga mambabatas kung saan dadalhin ng DOH ang mga gamot para mapakinabangan na ng mga benepisiyaryo…at nila bilang pambili ng boto…at para kumita na rin.
Sa huling araw, tiyak na magrereklamo na naman ang COA.
Anak ng pitong putakte, tiyak na magaganap ang korapsyon ulit.
o0o
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA
