GULAT na gulat ang isang hukom na duminig sa kaso ng isa nating OFW sa Hongkong na “unlimited” pala at tipong “forever” ang suportang ibinibigay ng ating mga kababayan sa kanilang mga kapamilya sa Pilipinas.
Ito ang naging pahayag ng naturang “judge” matapos niyang malaman na nakalimutang magbayad ng isang 42-years old Pinay OFW sa kinuha nitong mga grocery items nang makatanggap siya ng isang text message mula sa Pilipinas, na nabuntis ‘anya ang isa sa kanyang tatlong anak na mga babae.
Sa labis na pagkabigla ng Pinay sa naturang balita, mabilis itong lumabas dala ang isang bote ng alak at cheese at nakalimutang makapagbayad sa cashier.
Natural lamang na inireklamo siya nang naturang tindahan dahil sa hindi pagbabayad kung kaya’t nakarating pa iyon hanggang sa korte sa Hong Kong.
Nang tanungin ni Deputy Magistrate Stephani Tsui ng Kwun Tong ang OFW kung bakit labis niyang ikinabigla ang naturang balita at ikinalugmok nito ang hinggil sa pagbubuntis ng anak, sinabi ng Pinay na tanging siya lamang ‘anya ang sumusuporta sa mga anak nito na edad 22, 23 at 25 sa Pilipinas.
Ngunit hindi makapaniwala si Magistrate Tsui na umaasa pa rin sa magulang ang mga anak nito kahit pala ganoon na ang kanilang mga edad.
Halos 14 na taon nang OFW sa Hong Kong ang ating kabayan at bilang suporta ng kanyang employer, dumalo ito sa naturang hearing para patunayan ang katapatan ng kanyang kasambahay at hindi ito isang magnanakaw.
Naniniwala siyang hindi naman nito sinadya ang naturang insidente.
Sa ika-18 taon na paglilingkod ng Bantay OCW Foundation, Inc. para sa ating mga OFW at mga kaanak nito, mas pinaigting na serbisyo pa ang hatid namin sa ating mga kababayan.
Matatagpuan na ang pangalawang tahanan ng inyong Bantay OCW sa 24H City Hotel sa 1406 Vito Cruz Extension, Balagtas St., Makati City.
Kung nais ninyo na sulit na accommodation, dito na kayo sa 24h, mag-log on sa www.hotel24h.com.ph.
Maraming salamat sa pamunuan ng FPD Global Integrated Services sa aming bagong tahanan.
o0o
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Inquirer Radio dzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0927.649.9870. Website: bantayocwfoundation.org. E-mail: bantay-ocwfoundation@yahoo.com/ susan-kbantayocw@yahoo.com.Bantay OCW Foundation satellite office: 3/F, 24H City Hotel, 1406 Vito Cruz Extension cor. Balagtas St., Makati City Tel: +632.899.2424 BANTAY OCW/SUSAN K