BAGO ang lahat, ipinababati ng aking mabait at macho-guwapitong compadre na si Jess Bautista ang mga bago niyang inaanak sa kasal na sina Jeffrey Sumaoang at Allen Lavarias. Si Jeffrey na anak nina Salvador at Gina Sumaoang at Allen na anak nina Alberto at Nopra Lavarias ay ikinasal noong Setyembre 11 sa Palm Plaza sa Tarlac.
Mabuhay kayo Jeffrey at Allen. Dumami sana ang lahi n’yo at magsama kayo ng masaya. Hindi kayo nagkamali na kuhaning ninong ang kumpare kong si Jess dahil pupunuin niya kayo, hindi ng regalo, kundi ng mabubuting payo. Hehehe!
***
Tinatanong ng marami kung may nagbago ba sa daloy ng trapiko sa EDSA matapos ang ilang araw na pagmamando rito ng Philippine National Police-Highway Patrol Group?
Malaki ang ipinagbago, ang sagot ko. Pero, ‘ika nga, hindi nalulutas ang malaking problema nang ilang araw lang.
Kung malutas ang isa, may susulpot na bago. Nakita natin ng kawalan talaga ng disiplina ang dahilan ng matinding trapik sa EDSA.
Diyan dapat tumutok ang PNP-HPG. Ang pasaway na illegal vendors sa EDSA-Balintawak ay nawalis sa wakas kaya tila nagkaroon ng himala sa pagluwag ng daloy ng mga sasakyan sa nasabing lugar.
May mga pasaway pa ring bus driver. Kaya nga nakikipagtulungan din ang LTO at LTFRB para hagilapin ang ilan pang kolorum na bumibiyahe.
Sa ilang araw ng HPG, natuklasan na kaya sobra ang trapik sa EDSA ay dahil sa mga feeder road na halos nababarahan ng mga sasakyan.
Gaya sa Ortigas na maraming iligal na naka-park na private cars.
Dahil sa EDSA lang pinapatutok, nais ng HPG na mapasok din ang mga feeder road nang sa gayon ay magtuloy-tuloy na ang pag-aayos ng trapiko.
Tutal naman, natuklasan na rin na ang maraming tauhan ng MMDA ay walang silbi sa pagmamando ng trapiko.
Wala ring silbi ang mga local traffic enforcer na ang inaatupag ay maniket nang maniket ng mga hinuhuli dahil sa nakukuhang komisyon.
Halimbawa diyan sa harapan ng Manila City Hall, nag-iipon ang mga tauhan ng MTPB sa isang linya papuntang south para mag-abang ng mahuhuli o matitiketan habang hinahayaan sa isang side ang pagkakabuhol-buhol ng mga sasakyan dahil sa mga jeepney na nagti-terminal.
***
Sa totoo lang, mas pabor ako kung ibigay na nang todo sa PNP-HPG ang pagtatrapik sa Metro Manila.
Naniniwala ako sa sinasabing ito ang pagkakataon ng ating kapulisan para maibalik nila ang tiwala sa kanila ng publiko.
Kung baga, nagtatrapiko na sila, nagkakaroon pa ng police visibility sa mga lansangan.
Malaking tulong ang pagkalat ng HPG sa buong Metro Manila upang mailang sa paggawa ng krimen ang mga kriminal, lalo ang mga riding-in-tandem.
Madali nilang malalaman kung ang isang sasakyan ay kolorum o karnap sapagkat dito sa pagkilatis sila bihasa.
***
Tama rin si PNP-HPG director, C/Supt. Arnold Gunnacao na magkaroon ng isang traffic czar.
Hindi gaya ng isang MMDA chairman na lahat sa lansangan ay pinakikialaman, ang traffic czar ay nakatutok lamang sa pag-aayos ng trapiko.
At ang traffic czar ay hindi dapat politiko para hindi niya magamit sa pagpapapogi at pamumulitika ang kanyang trabaho. KANTO’T SULOK/NATS TABOY
