NAKAAAWA ang PNP-Highway Patrol Group. Hindi pa nagtatagal sa trabaho nito sa EDSA, may nagpalutang na ng kotongan.
Yes, sentro ng usapan ito sa mass media pero ang tanong, sino ang nagpalutang?
Ang problema sa pagsulpot at pamamahala ng PNP HPG sa trapiko sa puno’t dulo ng EDSA ay ang kawalan ng kakayahan ng MMDA na pamahalaan ito.
Ang mga tauhan ng MMDA ay inuna ang pangongotong kaya naman marami sa kanila ang binansagan na “hulidaper” kaysa traffic enforcer.
Masakit man, dahilan para marami sa kanila ang nabugbog at nakaladkad!
Anyway, sa unang mga araw ng pamamahala sa EDSA ng PNP-HPG ay nakita nating mas lutang sa atin ang halaga ng DISIPLINA mula sa mga motorista, lalo na sa mga driver ng pampublikong bus at kauri nito.
Nakita rin natin ang nawalang DISIPLINA mula sa hanay ng mga pasahero. Galit sila dahil “malayo” raw ang sakayan at babaan?
Hahahaha. Tamad. Katamaran ang tawag diyan!
Dapat lumahok din ang LGUs sa pagkontrol sa malalang trapiko.
Hindi kasi normal ang bagal ng takbo sa mga lansangan kundi ang mga nakahambalang na sasakyan sa tabing kalsada.
Hinayaan din ng mga may-ari ng palengke, kasabwat ang mga kapitan at kagawad ng barangay at opisyal ng LGUs na pagharian ng mga tindero at tindera ang sidewalks kapalit ang maliit pero kapag naipon ay malaking halaga ng pera!
Hayun o, tingnan ninyo ang mga “foot bridge” na ginawa para sa ligtas na tawiran ng mga tao. Pero mas pinili ng mga tatawid na makipagpatintero sa EDSA kaysa maglakad sa masikip, mabaho at kadalasan ay tambayan pa ng mga holdaper.
It is a matter of road discipline among all stakeholders. Pangit na sa simula pa lang ng PNP-HPG ay mas pinalulutang ang kotong kaysa pagganap nila sa tungkulin. Sa totoo lang, kung may disiplina ang lahat, hindi natin kailangan ang HPG o lahat ng traffic enforcer sa lansangan.
Ang sobrang dami ng sasakyan ang pinagbibintangan. Maaaring tama pero kung may disiplina ang lahat sa kalsada, maluwag at mabilis pa rin dapat ang takbo ng mga motorista.
Sa mga U-Turn o Left Turn, tingnan ang ugali ng mga motorista. Todo-batak sa kanan tapos kakaliwa! Mga gunggong na driver sa totoong postura. Dapat lang na bawiin ng LTO ang kanilang mga lisensiya!
DISIPLINA lang po. LGUs ang dapat na mauna. Tanggalin ang lahat ng nakaparadang sasakyan sa bawat lansangan, kalye at kalsada. Alisin ang mga turo-turo at iba pang uri ng nakakasagabal sa malayang daloy ng pasada.
Tama na ang inyong pamemera, pwede ba?!? BALETODO/ED VERZOLA