MAGKAIBA ng ‘signal’ o ‘frequency’ ang tanggapan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ng mga minero ng Maynilad at Manila Water.
Kung baga sa cellphone, magkakaiba ang mga hindoropot na ito ng kumpanya ng komunikasyon kaya kanya-kanyang hukay sa kalsada ang mga ito kaya ang resulta ay masikip na daloy ng trapiko.
Masdan ninyo, taumbayan… gagawa ng tinatawag na ‘road reblocking’ ang DPWH, trapik ang dulot niyan. Tapos aspalto naman, trapik ulit. Pagkaraan ng kaunti ay nariyan na ang Maynilad o Manila Water.
Matapos gastusan ng DPWH ang mga kalsada ay wawarakin naman ng tinamaan na magaling na Maynilad at Manila Water kaya trapik na naman ulit sa lugar.
Ito ang patunay na hindi nag-uusap ang mga ito upang isang gawaan na lang ang gawin para hindi masayang ang pera at oras ng bayan. Ang siste pa, napakatagal ng mga minahan ng Maynilad at Manila Water.
O, ngayon! Paano ang pinagandang kalsada ng DPWH na ginastusan ng taumbayan pero sinira lang ng Maynilad at Manila Water?
May pinagagawa rin ang mga lokal na pamahalaan tapos sisirain din ng mga ito, paano iyon?
Araw-araw akong nadaraan sa Commonwealth Ave. sa may Fairview at naranasan kong magtiis sa matinding daloy ng trapiko noon dahil sa ‘road reblocking’ ng DPWH – pinaganda ang kalsada.
Pero mahigit kalahating taon na ang lumipas ay araw-araw din ang akong naiipit sa trapiko dahil sa hukay ng Maynilad. Halos huminto na ang mga sasakyan dahil sa sobrang bako-bako ng kalsada na pinaganda noon ng DPWH.
Doon sa lugar ng aking mga kamag-anak kung saan Manila Water naman ang bida sa paghuhukay ay nanginginig na sila sa galit dahil hindi na raw natapos-tapos ang tila pagmimina ng ginto sa gilid ng kalsada.
Anila, napakatagal na panahon na sila’y nagtiis sa ‘di kagandahan na kalsada sa lugar pero nang sementuhin at pagandahin na ito ng DPWH ay giniba naman ng Manila Water.
Ang totoo niyan, naibabalik nila ang semento sa kanilang mga hinukay pero hindi na ganoon ang kalidad. Pansin ba ninyo ang pahalang na hukay kahit sa mga tinatawag na ‘side streets’ na parang nakasakay kayo sa tren kapag dinaanan?
May duda ako, sana hindi totoo… abangan!
***
Para sa komento o suhestyon: 09258051766 EKSPERTO/JOIE O. SINOCRUZ, Ph.D.


