SA ating kasaysayan, nakaukit na na ang EDSA ay itinuturing na pinakamahabang lansangan sa buong Pilipinas.
Noong wala pang problema sa traffic ay may speed limit pa rito para makontrol ang delikadong pagpapatulin ng mga sasakyan.
Pero ngayon nga ay isa sa pinakamatinding problema ng pamahalaan ang buhol-buhol at sobrang sikip ng traffic sa EDSA.
Dapat lesson na ito sa mga awtoridad kaya kailangan nating bantayan ang mga lansangan tulad ng Commonwealth Ave. sa QC dahil baka maging isa na naman itong EDSA.
Parang kailan lang, tinagurian ang Commonwealth na “killer highway” dahil sa rami ng aksidente, maluwang kasi ang kalsada kaya nakapagpapatulin ang mga sasakyan.
Kaya naman nagkaroon ng speed limit sa Commonwealth.
Pero pansinin n’yo na ngayon, kahit wala pa halos 6 ng umaga, ay matindi na rin ang traffic sa Commonwealth. At tuwing uwian sa hapon hanggang gabi ay masikip na talaga.
Tiwala ako sa pamahalaan ni Mayor Bistek at Vice Mayor Joy pero dapat umpisahan na ang pagpaplano ng kinabukasan ng Commonwealth Ave.
Tandaang ang pinakamalalaking barangay ng Quezon City, in terms of population, ay madaraanan sa Commonwealth – Old Balara, Holy Spirit, Batasan Hills – at ang Commonwealth patungong Lagro ay daanan din papunta sa San Jose Del Monte, ang pinakamalaking bayan ng Bulacan.
Isipin na lang ang sakit ng ulo kapag naging isang EDSA rin ang Commonwealth.
Ngayon pa lang, ayusin na ang mga vendor sa kalsada bago pa ito lumaki at ma-out of control, planuhin na ang mga alternate route, ayusin at ihanda na ang plano sa maaaring pag-boom pa ng mga bayan sa lugar na ito at pagdami pa ng mga tao at pagdami pa rin ng mga sasakyan.
Wake-up call ang EDSA kaya habang inaayos pa ang problema rito ay umpisahan na ang pagsasaayos ng iba pang mga national highway tulad na nga ng Commonwealth Ave.
Ngayon pa lang, iwasan na ang Commonwealth na maging isang EDSA.
o0o
Mag-email ng reaksyon sa ariel.inton@gmail.com o kaya’y mag-text sa 09178295982 o 09235388984. SIBOL/LTFRB COMM. ARIEL ENRILE-INTON

