ITINUTURONG dahilan ng transport groups ang UBER at GRAB Taxi sa matinding traffic sa Metro Manila, kasabay ang pagsasabing ito rin ang unti-unting pumapatay sa humigit-kumulang na 20,000 taxi na bumibiyahe sa Metro Manila.
At dahil dito, sinabi ni Jun Magno, Presidente ng STOP and GO Coalition na magpa-file sila ng injuction sa korte para mapigilan ang pagdami ng mga ito at para hindi mabigyan ng prangkisa ng Land Tansportation Franchising & Regulatory Board (LTFRB) kung saan ay nakabinbin pa ang kanilang mga application.
Ayon pa rin kay Magno, hindi lang ang UBER at GRAB taxi ang nagpapasikip ng kalsada ngayon kundi maging ang mga SUV na nasa ilalim ng U-HOP na sinasabing ito naman ang papatay sa mga UV Express.
Ang U-HOP ay katulad din ng UV Express at ang pagkakaiba nga lang ay tanging mga miyembro lang ang maaring sumakay tulad ng mga empleyado at estudyante at sila rin ang nasusunod sa kanilang ruta.
Ayon kay LTFRB Board Member Atty. Ariel E. Inton, Jr., wala pa umanong accreditation ang U-HOP at pag-aaralan pa nilang mabuti kung ang mga ito ay kanilang bibigyan o hindi samantalang ang UBER at GRAB Taxi ay accredited na ng LTFRB.
Nilinaw ng LTFRB na accredited lang ng LTFRB ang UBER at GRAB Taxi at hindi prangkisa ang kanilang ibinigay.
Kung sakali mang bigyan ng LTFRB ng prangkisa ang U-HOP, eh, ‘di mas mabuti na raw na ibigay na lang ito sa mga colorum na UV Express, at dahil may sariling diskarte sa kanilang ruta ang U-HOP ay nangangahulugan umanong hindi para sa publiko ang nasabing mga sasakyan.
Sinabi pa rin ni Magno na sa 100% sasakyan na dumaraan ng EDSA ay 20% ang PUV at ang 80% naman ay pawang mga pribadong sasakyan.
Ang 80% na pribadong sasakyan ay umaabot lang sa 20% ang mga pasahero dahil karamihan ay tig-isa o dalawa lang ang sakay nito samantalang ang 20% na PUV ay umaabot naman ng 80% ang mga pasahero.
Naniniwala ang transport groups na posibleng kasabwat ng UBER, GRAB at ng U-HOP ang mga car dealer dahil napag-alamang napakalakas at maimpluwensiya umano ang mga kumpanyang ito.
Samantala, nakatakda namang magsagawa ng protesta sa harapan ng LTFRB ang mga UV Express para tutulan ang umano’y pagbibigay ng prangkisa sa U-HOP na sinasabing aprubado na umano sa DOTC.
Nagtataka si Magno kung bakit bibigyan ng prangkisa ang U-HOP gayung kapag may kumukuha ng prangkisa na SUV ay sinasabi raw ng DOTC na may moratorium o under study pa, may oversupply, sarado pa at walang prangkisa. LILY’S FILES/LILY REYES
