MAY nagaganap sa industriya ng komunikasyon sa mahal kong Pinas na hindi natin gaanong pinapansin.
‘Yun bang === free o libreng Wi-Fi na itinatayo mismo ng gobyerno, nasyonal at lokal.
Sa bisa ng Wi-Fi, magagamit ng mga mamamayan ang internet sa pakikipag-usap sa isa’t sa pamamagitan ng social media at video, sa pagtatayo ng negosyo at hanapbuhay, sa pagliligtas ng buhay sa mga kalamidad, sa pagpapalalim at pagpapalawak ng edukasyon, pagtiyak ng maayos na kalusugan, sa pakikipaglamay at marami pang iba.
Kung libre ang Wi-Fi, napakalaking tulong ito sa mamamayan na makamit ang nasabing mga serbisyo at kalagayan.
NAPAKABAGAL, NAPAKAMAHAL
Sa ngayon, pinaghaharian ng mga pribadong kumpanya ng telekomunikasyon ang pagtatayo at operasyon ng mga sentro ng komunikasyon, kasama na ang Wi-Fi.
Pero napakamamahal ang singil ng mga pribadong kumpanya rito.
Bukod sa mahal, napakababagal pa.
Naniningil ang mga pribadong kumpanya ng buwanang nasa P599 at P699 na minimum at kung gusto mo ng mas mabilis nang kaunti, mas malaki ang iyong babayaran para sa internet at Wi-Fi.
Sa katunayan, puno tayo ng rekord na kabilang ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamahal ngunit pinakabagal na internet, kasama na ang wi-fi na ‘yan.
Hindi nakapagtataka na kabilang naman ang mga pribadong kumpanyang ito ng nasa 100 top corporations sa Pilipinas dahil sa pandurugas sa atin sa gitna ng palpak nilang serbisyo.
LUMALAYA ANG PINOY
Masasabi nating unti-unting lumalaya ang mga Pinoy sa kamay ng mga anak ng tipaklong na pribadong kumpanyang ito.
Sa lungsod ng Maynila, may mga lugar na may free wi-fi kagaya ng mga bus stop.
Pero sa pagkakaalam natin, nagbabayad naman ang pamahalaan ni Mayor Erap sa pribadong kumpanya na naatasang magtayo ng koneksyon ng wi-fi sa lugar.
Bagama’t nagagamit ang buwis ng bayan dito, kahit papaano nalilibre na sa paggamit ng internet at Wi-Fi ang mga mamamayan na nasa mga lugar na ganito.
Hindi na kailangang bumili ang mamamayan ng pocket Wi-Fi na nasa P2,500 ang isang yunit at mag-load ng hanggang P1,000 kung gusto niyang magamit ito sa loob ng isang buwan.
SARILI NG PAMAHALAAN
Kinontrata ng gobyernong Aquino ang bagong tayo na kumpanya ng isang tiyuhin ni Pangulong Noynoy para magtayo ng koneksyon sa internet at Wi-Fi, lalo na sa mga itinuturing na 3rd hanggang 6th class na munisipyo sa buong bansa.
Ito lang kasi, mga Bro, ang kumpanyang sumali sa pasubasta para rito at hindi kailanman sumali ang mga pribadong nakatayong kumpanya.
Obyus naman ang dahilan, ayaw nilang magkaroon ng kalaban at mabawasan ng bilyon-bilyong pisong kita araw-araw, buwan-buwan at taon-taon.
Ang presidential uncle na ito ang iniulat noong halalang 2010 na pinakamalaking campaign contributor ni PNoy nang kumandidato ito sa pagka-Presidente.
Sabi ng mga ulat noon na nagbuhos ang angkol na ito ng nasa P500-milyon para sa kampanya ni PNoy laban kay Erap.
Pero ‘di bale na kung totoong walang sumali sa pasubasta kundi ang kumpanya lang ni presidential uncle.
Ang gobyerno ang magtatayo ng mga sentro ng pundasyon dito at ang kumpanya naman ni Uncle ang bahalang magpalaganap ng koneksyon ng internet at Wi-Fi sa mga nasabing munisipyo.
PARA SA METRO MANILA
Bago ang kontratang pagtatayo ng libreng Wi-Fi sa mga mahihirap at malalayong munisipyo, mga Bro, may inilatag na at inilalatag pa lang ang gobyerno para sa libreng Wi-Fi sa Metro Manila.
Kabilang sa mga may free Wi-Fi na proyekto ng pambansang pamahalaan ang Rizal Park sa Manila, Quezon Memorial Circle sa Quezon City, Quezon City Hall, Philippine Coconut Authority building sa Elliptical Road at Land Transportation Office at Social Security System buildings sa East Avenue, sa Kyusi pa rin.
Isang araw ay magkakaroon na rin ng koneksyon ang mga malalaking ospital ng gobyerno gaya ng Veterans Memorial Medical Center, East Avenue Medical Center, National Kidney and Transplant Institute, Philippine Heart Center at Lung Center of the Philippines na nasa Quezon City.
Magkakaroon din umano ang University of the Philippines-Philippine General Hospital and San Lazaro Hospital na nasa Manila.
‘Pag nakumpleto ang lahat ng ito, mga Bro, napakalaking tulong ito sa maraming mamamayan.
Hindi na kailangang makipag-away sila sa mga pribadong kumpanya sa mga overcharging at hindi maintindihan na paniningil ng mga ito.
‘Yan ay kung walang password ang mga Wi-Fi na ito at tanging ang mga opisyal at empleyado lang ang makagagamit sa mga ito.
Kung may password at sila-sila lang din sa gobyerno ang makagagamit, pesteng yawa, uy! Si ina mo, noy!
o0o
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA