MALAKING isyu ngayon ang citizenship ni Sen. Grace Poe, lalo na ngayon idineklara na niya ang pagiging kadidato sa pagka-Pangulo sa mga kritiko niya na nagsasabing hindi siya Natural Born Filipino Citizen, kaya hindi raw siya pwedeng tumakbo.
Kaming mga abogado ay kanya-kanya ng opinyon. Pero siyempre ang susundin ay ang desisyon pa rin ng Supreme Court. Tama man o mali, ang legal opinion pa rin ng Korte Suprema ang ending.
Simple ang pagtingin ko sa isyung ito. Itong si Grace Poe ay Natural Born Filipino Citizen kaya qualified siyang tumakbong Presidente, ayon na rin sa Saligang Batas.
Pero, halukayin natin ang usapin dito ng pagka-FILIPINO ng isang kandidato. Hindi ba’t natutuwa pa nga tayo at inaangkin natin na Filipino ang mga sikat sa mundo na may dugong Pinoy pero citizen ng ibang bansa tulad, halimbawa, ni Jayson Day na sikat na international golfer, si Clarkson ng larong basketball, si Bruno Mars at iba pa. Mga citizen ng ibang bansa pero may dugong Pinoy, mga Pinoy pero foreign citizens.
Meron namang dugong banyaga pero mas gusto na maging foreign citizen, mga naturalized Filipino, ‘yung mga mas piniling maging Pinoy kahit walang dugong Pinoy.
Pinoy by choice not by birth.
Pero ang mga naturalized Pinoy ay hindi pwedeng tumakbo sa pagka-Presidente o Vice President dahil ang mga puwestong ito ay para sa mga Pinoy by birth lang.
Kaya kung ang mga banyagang ito na may dugong Pinoy ay gustong maging Presidente, dapat ba natin silang payagan at baguhin ang Saligang Batas para lang payagan silang tumakbo para maging Pangulo ng Pilipinas?
Si Grace Poe ay naging Amerikano noon pero sabi niya ay Pinoy na siya ulit ngayon at tatakbo na siya para maging Pangulo ng bansa.
Okay ba sa atin ito. Ang sabi ng kritiko ni Grace, iniwan niya ang Pilipinas noon para magkaroon ng magandang bukas pero ngayon ay balik na siya rito kasi pwede na siyang maging President.
At sabi ng iba, mas okay pa raw ‘yung hindi naman mga Filipino citizen pero mas gustong maging Pinoy at totoong maka-Pinoy ang puso.
Mas karapat-dapat ang mga Pinoy by heart at by choice kaysa sa iba na Pinoy nga pero itinatatwa ang pagka-Pinoy.
***
Mag-email ng reaksyon sa ariel.inton@gmail.com o kaya’y mag-text sa 09178295982 o 09235388984. SIBOL/LTFRB COMM. ARIEL ENRILE-INTON