KINUWESTIYON ni Valenzuela City 1st District Congressman Sherwin “Win” Gatchalian ang ginawang hakbang ng kasalukuyang administrasyon na pagbaba ng budget o pondo ng 59 State Universities and Colleges.
Ang pahayag na ito ni Gatchalian ay dahil na rin sa ginawang pagbawas ng gobyerno ng malaking budget para sa edukasyon na ayon pa sa kongresista ay isang maling hakbang dahil ito ay anti-poor.
Ginawang halimbawa ni Gatchalian ang pagbawas ng pondo ng Mindanao State University na mula sa P418.8-million ay umabot na lamang sa P274.2-million habang ang University of the Philippines (UP) ay binawasan ng P2-billion.
Sang-ayon tayo sa naging reaksyon ng kongresista dahil malaki ang mawawala sa kakayahan ng mga SUC na magbigay ng sapat na edukasyon sa mga kabataan at malaki ang mawawala sa maintenance and other expenses ng mga naturang unibersidad.
Si Gatchalian ang author ng House Bill 5905 na mas kilala sa “Free Higher Education Act” na naglalayong mabigyan ng libreng edukasyon ang mga kabataang estudyante na kasalukuyang pasado na sa committee level.
Kakampi tayo ni Gatchalian sa kanyang reaksyon dahil malaki ang mawawala sa mga estudyante ng SUC’s at malaki rin ang magiging epekto nito sa kalidad ng edukasyon sa ating bansa.
PAGBABAYAD NG P119.20 SA OEC NG OFWS
Malaki ang pagpapahalaga ni Gatchalian sa ating mga Overseas Filipino Worker kaya mariin nitong tinutulan ang hakbang ng gobyerno na pagpataw ng P119.50 sa Overseas Employment Certificate.
Sa pahayag nito, dapat ay libre lamang ito katulad ng pangako ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), sa pamamagitan din ng OEC ay hindi na magbabayad ang mga OFW ng travel tax na nagkakahalaga ng P1,620 at terminal fee na P550.
Tama lamang ang obserbasyon ni Gatchalian dahil malaki ang utang na loob natin sa mga OFW dahil sa dolyar na ipinadadala nila sa kanilang mga pamilya kapalit ng pagsasakripisyo ng mga ito na malayo sa kanilang pamilya.
Kaya nga tinawag natin bilang bagong bayani ang ating mga OFW ay dahil sa kanilang pagbibigay ng tulong sa ekonomiya ng bansa ngunit ang pagdagdag sa kanilang mga gastusin ay hindi magandang hakbang. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO