LALO pang pinaigting ni Muntinlupa City Mayo Jaime Fresnedi ang kanilang kampanya laban sa droga matapos na maaresto ang Top 9 Illegal Drug Personality sa buy-bust operation ng lokal na pulisya sa lungsod.
Ang suspek na nakadetine na sa Muntinlupa City Police habang nahaharap sa kaukulang kaso ay nakilalang si Jelor Lagunero na naaresto dakong 10:30 ng gabi noong September 14.
Nakuha sa pag-iingat ni Lagunero ang isang pirasong sachet ng hinihinalang shabu at ang buy-bust money na nagkakahalagang P500 na ginamit ng mga awtoridad upang makabili ng naturang droga sa suspek.
Sinabi pa ni S/Supt. Allan Nobleza, hepe ng Muntinlupa Police, mas pinaigting pa nila ang kampanya laban sa iligal na droga dahil na rin sa ipinag-utos ni Mayor Fresnedi na hulihin ang lahat ng pusher sa lungsod.
Una rito, naaresto rin ng pulisya ang limang suspek sa pagnanakaw noong September 13 sa Ilaya St., L&B II, Alabang, Muntinlupa City na nakilalang sina Norman Dagaas, Melvin Japitana, Mark Christopher de Mesa, Sherwin Tabirara at Pamela Carreon.
Nangako pa ang pulisya na ipagpapatuloy nila ang kanilang kampanya laban sa krimen upang mas lalo pang maging mapayapa ang kanilang lungsod na isa sa ipinangako ni Mayor Fresnedi sa mga residente.
MAAGAP NA PAGRESPONDE SA KRIMEN
Ipagpapatuloy ng Muntinlupa City Police ang kanilang maagap na pagresponde sa mga nagaganap na krimen at patunay rito ang naganap na insidente sa Ayala Alabang Village Association noong September 16.
Bagama’t nakatakas ang suspek na si Christian Joson at mga kasama nito, nailigtas naman sa tiyak na kapahamakan ang biktimang si Karlo Santiago, ama nito at ang pamangkin sa Batangas Sourth Area ng AAVA.
Sa ulat ng pulisya, nag-iikot ang mga biktima sa naturang lugar gamit ang golf cart nang magkaproblema ang makina nito na naging dahilan upang mahinto ang kanilang ginagawang pag-iikot.
Pagdating naman ng suspek ay magkakasunod na busina ang ginawa nito ngunit dahil sira ang sasakyan ng mga biktima ay wala naman itong magawa hanggang sa bumaba si Joson at nagsimula ang tensyon.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 5 sa insidente kaya naisugod agad sa Asian Hospital and Medical Center si Santiago habang nakatakas naman ang suspek.
Saludo tayo sa maagap na pagresponde ng mga awtoridad sa mga krimen na nagaganap sa kanilang lugar dahil kung hindi agad ito naagapan malamang na posibleng mas grabe pa ang nangyari sa mga biktima. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO