ILANG beses na naimungkahi na gamitin ang Subic Bay Freeport bilang alternative ports para ma-decongest ang mga daungan sa Manila.
Lumulutang na naman ang suhestyon na ito ng Subic dahil ngayon nga ay ang problema ng traffic sa Metro Manila ang laging laman ng mga debate, at marahil ay sanhi ng araw-araw na sakit ng ulo ng pamahalaan.
Ang sabi hindi nga nayu-utilize ang Subic port samantalang pwede itong solusyon para maging magaan ang traffic ng mga kargamento sa mga ports tulad ng sa Manila at sa Batangas.
Sabi pa, makakatulong daw ang planong ito tungkol sa Subic para masagot na nga ang lumalalang traffic problem sa Metro Manila.
Naniniwala ako na may potensyal talaga ang planong ito tungkol sa Subic kaya dapat bigyan ng pansin ang suggestion na ayon sa mga proponents ay base naman sa isang masusing pag-aaral.
Hindi ba nga ay minsan nang naging sentro ng aktibong ekonomiya ang Subic.
Isipin na lang na naging bahay ng FedEx sa Asia ang Subic Bay Freeport Zone, naging Asian Hub ito ng higanteng airline transportation company sa matagal din namang panahon pero hindi rin nagtagal ay umalis ang FedEx.
Para sa akin lahat ng suggestion ay dapat subukan dahil doon lang natin malalaman kung uubra nga ito kapag nasubukan na.
Pero hindi lang ang pag-alis sa mga cargo trucks sa ating mga lansangan ang makakasagot sa problema ng traffic sa Metro Manila.
Ang kailangan natin talaga ay isang epektibong mass transportation system.
Ang daang libong commuters na araw araw ay nagdurusa sa traffic ay nangangailan ng isang sistema ng transportasyon na makakapagserbisyo sa kanila, na mapapanatili ang kanilang kaligtasan at mabibigyan sila ng komportableng paraan ng pagbiyahe lalo sa mga pangunahing lansangan tulad ng EDSA at Commonwealth, at iba pa.
Kung ang Subic ay isang solusyon para sa pagbyahe ng mga kargamento, kailangan natin ng isang mass transportation system para naman sa ating mga pasahero.
oOo
Mag-email ng reaksyon sa ariel.inton@gmail.com o kaya’y mag-text sa 09178295982 o 09235388984. SIBOL/LTFRB COMM. ARIEL ENRILE-INTON