MALIBAN sa EDSA, ang iba pang mga pangunahing lansangan na kinakailangang pagtuunan ng pansin ng ating pamahalaan ay itong Taft Ave. hanggang sa karugtong nitong Rizal Ave., ang Gil Puyat Ave., España at ang karugtong nitong Quezon Ave. at C-5 kung tawagin.
Gaya ng EDSA ay sandamukal din ang mga dorobo at walanghiyang bus at jeepney driver sa mga kalsadang ito. Dagdagan mo pa ‘yan ng mga traffic enforcer na pawang makakapal din ang mukha ay talagang aabutin ng delubyo ang ating mga motorista.
Ang problema kasi kapag nagkakaroon ng problema sa mga ibang mga lansangan sa Metro Manila ay tiyak na apektado ang lahat na lagusan, kasama na rito ang EDSA. Kapag nagkakabuhol-buhol ang trapiko sa C-5 halimbawa ay napipilitan ang mga motorista na gamitin ang EDSA.
Kapag nagbara ang Gil Puyat Ave., abot ‘yan hanggang EDSA at ganyan din ang kaso sa Quezon Ave. na karugtong naman ng Espana, Rizal Ave. at Taft Ave. Kumbaga sa bituka, eh, dugtong-dugtong ang mga kalsadang ito at kapag nagkaproblema ang isa ay tiyak na damay-damay ang lahat.
Dahil dito, maganda rin siguro kung pakialaman na ng Highway Patrol Group ang mga kalsadang ito dahil na rin sa ipinakita nilang galing sa pagdidisiplina sa ating mga motorista.
Kahit anong gawin talaga natin ay wala nang pag-asa itong ating mga traffic enforcer na tila ang tanging misyon sa buhay ay manlamang sa kapwa. Sana lang ay mangisay lahat itong mga traffic enforcer na ito na galing sa kotong ang ipinakakain sa pamilya.
Nangunguna sa kawalanghiyaan itong mga traffic enforcer ng Pasay na tinawag kong mga “taong berde.” Garapal ang mga ito, lalong-lalo iyong mga nakatalaga sa EDSA extension malapit sa Mall of Asia at itong Gil Puyat Ave.
Napakarami na sa mga ito ang sumikat sa You Tube dahil sa pangongotong subalit wala man lamang ginagawang aksyon laban sa kanila. Naisip ko tuloy na kaya malalakas ang kanilang loob na mangotong ay dahil may tara rito ang kanilang hepe.
At habang ang sipag nilang manghuli ng mga pribadong motorista ay dedma naman sila sa mga walanghiyang bus at jeepney driver na samu’t saring traffic violation ang ginagawa, lalong-lalo na sa kanto mismo ng Taft at Gil Puyat.
Dahil sa mga tabi-tabing bus terminal sa lugar na ito ay talagang sakit sa ulo ang sitwasyon ng trapiko lalo pa’t malaya namang tumatambay ang mga bus sa mismong kalsada na sakop ng Taft at Gil Puyat. Magkano kaya ang lagay ng mga bus terminal na ito sa traffic management office ng Pasay City?
Sa tingin ko ay mas magandang tanggalin na ang deputization ng mga local traffic enforcer sa mga national road kapag napatunayan na inutil naman ang mga ito ay walang inatupag kundi ang mangotong.
Mas mabuting ipaubaya na sa HPG ang traffic management sa mga lugar na ito upang tuluyan nang magkaroon ng disiplina sa ating mga kalsada.
Dahil sa ipinakitang galing ng HPG sa EDSA, tumibay ang aking paniniwala na malaking bahagi ng ating problema ay ang kawalan ng displina sa ating mga motorista at ang kawalan ng kahihiyan sa panig ng mga nagpapatupad ng ating batas.
***
Para sa inyong mga sumbong tungkol sa mga mali sa lipunan at mga tiwaling lingkod-bayan, mga komento at suhestiyon at mag e-mail lamang sa gil.bugaoisan@gmail.com. BIGWAS/GIL BUGAOISAN
