BINATIKOS ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang “laglag-bala” racket ng mga tauhan ng Ninoy Aquino International Airport para makapangikil sa mga dayuhang bumibisita sa bansa at sa mga kababayan nating nagbabalik-bayan.
Aba’y sobra nga namang kahiya-hiya ang katarantaduhang ginagawang ito ng mga siraulo riyan sa NAIA.
At hindi lang kahiya-hiya, masasabi ring ito ay kasuka-suka dahil nagbibigay ito ng maruming batik sa ating bansa.
Namomroblema na nga ang bansa sa kakaunting pasok ng mga turista sa Pilipinas dahil sa malalang trapik sa Metro Manila at nangyayaring kidnapping sa Mindanao, heto pa at dumagdag ang “laglag-bala” racket sa NAIA na ipinangalan pa mandin sa bayani at tatay ni Pangulong Benigno Aquino III na si ex-Senator Ninoy Aquino upang iwasan tayong puntahan ng mga dayuhan.
Ang malungkot, itinuturing lang ito ng Malakanyang na “isolated case”.
Isolated case ba ang madalas na ginagawa ng mga walanghiya sa NAIA para makapangotong?
Kawawa naman tuloy ang isang dayuhan na tinaniman ng bala sa kanyang bagahe at nang hindi magbigay ng pera sa mga hinayupak ay sinampahan ng kaso at ikinulong.
Nasaan ang hustisya sa panig niya?
Hindi lang dayuhan, pati mga kababayan nating bumabalik sa bansa mula sa pagtatrabaho at pagpapawis ng dugo sa ibang bayan para may maitulong sa pamilya ay kanilang tinatalo.
Wala talaga silang mga awa at napakagarapal pa.
Dapat ay magsiyasat nang malalim ang mga kinauukukan sa kasong ito.
Panagutin ang dapat managot.
Sibakin ang mga dapat sibakin! KANTO’T SULOK/NATS TABOY
