MAGKANO ba ang sahod, allowance, bonus at benepisyo at iba pa ng mga boss diyan sa Social Security System?
Si Emilio S. de Quiros na pinaka-boss ng SSS ay tumatanggap ng nasa P7,080,210.06 kada taon.
Malalaki rin, mga Bro, ang mga sahod, allowance, bonus at benepisyo ng iba pang mga boss na kasama niya.
Siyempre pa, dahil malalaki ang sahod ng mga ito, inaasahan natin na magsisilbi sila nang todo sa milyon-milyong SSS members.
PALAKIHIN ANG PONDO
Pinakamahalaga sa dapat na gawin o tungkulin ng mga boss sa SSS ang palakihin ang pondo ng SSS upang manatiling buhay ito sa pagbibigay ng pensyon at benepisyo sa mga pensyonado.
‘Yun bang === gumawa ang mga ito ng paraan na lumaki ang salapi ng SSS, bukod sa paniningil ng kontribusyon ng mga miyembro.
Sa katunayan, namumuhunan na ang SSS sa pagpapautang o pagkakaroon ng sosyo sa mga kumpanya sa pagmimina, kuryente at langis, telekomunikasyon, bangko at sumasali rin sa stock market o pagbili at pagbneta ng mga share o sapi sa mga korporasyon at iba pang kumpanya sa Pilipinas.
Ang balita nga natin ay namumuhunan din ang SSS sa mga internasyonal na kompanya upang kumita ito.
UMANGAL
Nagkaroon ng testing sa kakayahan ng SSS na bigyan ang mga miyembro ng mas magandang kalagayan.
Kaugnay ito ng panukalang dagdagan ng SSS ng P2,000 ang pensyon ng mga pensyonadong miyembro.
Anak ng tokwa, biglang umangal ang mga bosing diyan sa SSS at sinabi agad ng mga ito na walang pondo para rito ang ahensiya.
MERON KUNG…
Para naman sanggain ang angal din ng mga mambabatas na nagpanukala ng P2,000 na dagdag-pensyon, sinabi ng mga taga-SSS na pupwede kung daragdagan ang kontribusyon ng mga SSS member.
Siyempre pa, umangal naman ang mga employer at employee lalo na ang mga sumasahod ng napakababa na mga empleyado.
Marami ring employer ang maliliit na hindi makayanan ang anomang dagdag na kontribusyon.
Pero ito ang ipinipilit ng SSS.
Kung hindi yata mangyayari ito, nungka na kikilos ang mga boss sa SSS para suportahan ang panukalang dagdag na pensyon.
Maliban lang kung sila mismo ang mabigyang mga dagdag pang sahod, allowance, bonus at benepisyo.
Medyo makapal din naman sila, ano hane?
SERBISYO NASAAN?
Habang naganap ang away sa dagdag-pensyon na panukala na nababalaho na yata dahil mas importante sa mga mambabatas ang halalang 2016, may lumabas na balita mula sa Commission on Audit.
Masama ang balita dahil sobra palang pabaya o kaya’y nami-mismanage ang SSS.
Napakarami palang ari-arian ang SSS na kung magagamit lang sana para kumita ang ahensiya ay tiyak na may pampondo para sa anomang programa para sa mga pensyonado at pangangailangan ng iba pang miyembro nito.
P18-BILYONG KAPABAYAAN
Anak ng tokwa, may mga idle assets o ari-ariaang nakatiwangwang ang SSS at hindi ito napakikinabangan para kumita ang ahensiya.
Mismong ang COA ang nakatagpo sa mga ito.
Heto ang ilan sa mga nakatiwangwang na pag-aari ng SSS.
102 condominium units sa pitong condominium building, 44,000 metro kwadrado na pupwedeng pantindahan o pang-opisina na ispasyo, 16 na bahay at 169 na slot o espasyo para sa parking.
Hindi binabanggit ng COA kung paano pagkakitaan at kung magkano ang posibleng kikitain ng SSS sa mga ari-ariang ito subalit malalaki ang mga halaga ng mga ito na kung mapagana lamang ay pagmumulan ng mga malalaking halaga na magiging dagdag sa puhunan ng ahensiya.
PAANO ANG IBA?
Nabanggit na natin ang mga pamumuhunan ng SSS sa mga kumpanya sa minahahan, enerhiya gaya ng kuryente at langis, telekomunikasyon at bangko.
Ano naman kaya ang matatagpuan o natagpuan na ng COA na kapabayaan sa mga ito ng SSS?
Sana naman, walang kapabayaan dito.
Pero ang noong may mga panahon na sinisibak ang mga opisyal ng SSS na ipinuwesto ni Aling Gloria, hindi pabaya kundi masisipag ang mga boss.
Masisipag silang dumalo sa mga miting at iba pang aktibidad ng mga kumpanya na may sosyo o puhunan o sapi ang SSS dahil napakalalaki pala ang bigay sa mga ito.
Hindi kaya nagaganap pa rin ito sa hanay ng mga kasalukuyang boss ng SSS?
HANGGANG 2041 LANG
Sa laki ng pondo ng SSS at sa dami ng mga oportunidad na pupwedeng magkasalapi ang SSS, nakapagtatakang ang mga miyembro ang pinipiga nang husto ng mga boss.
Wala yatang pinagkakaabalahan ang mga boss kundi paano magkamal ng salapi sa SSS kahit magkandahetot-hetot ang kinabukasah ng mga miyembro.
oOo
Anomang reklamo o puno ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA
