LUMIPAS na, na tila ‘di na babalik ang dating rangya at kasikatan ng Divisoria kapag kaayusan nito ang pag-uusapan.
Ang Divisoria noon ay hindi maikukumpara sa estado nito ngayon.
Kung noon ay napakadaling mag-shopping, ngayon ay aabutin ng siyam-siyam ang mga shopper sa kanilang pamimili.
Gamit ang sariling sasakyan o mga pampasaherong jeep, madaling libutin ang Divisoria para sa nais bilhing paninda.
Ngunit ngayon kailangang magpakapagod – maglakad nang malayo bago makarating ang sasadyaing tindahan.
Kung bakit ko ito ikunukwento, aba’y naranasan ko po ang naranasan na rin ng paniguro ko’y milyon nang shopper ng Divisoria.
Noong nakaraang Setyembre 27, ako at iba pang kasama ay bumiyahe patungo sa napakagulo nang lugar na ito ng Maynila.
Sa panulukan pa lamang ng Recto Ave. at Abad Santos Ave. matutunghayan mo na ang sobrang sikip ng trapiko.
Ang dahilan ng problema ay ang tiangge na sumakop na ng buong Recto, mula Abad Santos hanggang sa dulo, malapit na sa Pier.
Kung ika’y may dalang sasakyan at babagtasin ang Recto, aabutin ka ng ilang oras bago marating ang Tutuban Center.
Sa rami ng naging mayor, ngayong panahon ni Mayor Erap naging tindahan ang kalsada ng Recto na dapat sana’y para sa mga sasakyan.
Kung sinoman diyan sa Manila City Hall ang pumayag na gawing improvised mall ang Recto – Divisoria, aba’y tangengot kayo.
Sa darating na May 2016 ay election na kaya dapat bigyan-pansin ni Mayor Erap ang nakasusulasok na estado ngayon ng Divisoria.
Ang napakapangit na anyo ngayon ng Divisoria ay reflection ng masamang pamamahala na ‘di dapat ipagwalang-bahala ni Erap.
Sa panahon nina Mayor Bagatsing, Mayor Lopez, Mayor Atienza at Mayor Lim, ang Divisoria ay maganda at maayos.
Tiyak na ang ngayong Divisoria ay isa sa magiging sukatan kung dapat pa bang manatili si Erap bilang akalde ng Maynila.
Bukod sa nasalaulang Divisoria, napakarami pang problema ang sumulpot nang maging Manila mayor si Erap, ayon sa mga kritiko.
Mayor Erap, sa kaunting pagtingin ninyo rito, magkaroon ng pagbabago. CHOKEPOINT/BONG PADUA
