MARAMI ang nagtatanong kung masosolusyonan pa ang problema sa traffic.
May mga narinig ako na talagang sumuko na at nagsabi na wala na tayong magagawa riyan. Pero hindi naman kasi pwedeng mag-give up.
Parang ang mga magulang, hindi naman pwedeng sabihin nila sa mga anak na huwag nang mag-aral at mangarap dahil lang sa hirap ng buhay.
Kailangan humanap ang mga magulang ng paraan kahit na parang wala na halos paraan at ang baba na ng pag-asa.
Walang puwang ang pagsuko. Para sa problema sa traffic, hindi na lang kasi ang dami ng sasakyan ang isyu at sikip ng kalsada ang problema kundi patong-patong na.
Nandiyan ang kailangan na gawing efficient ang mass transportation system para mas mabilis na maikilos ang mga nagbibiyahe at para hindi na laging magdala ng pribadong sasakyan ang ating mga kababayan; nariyan din ang pag-regulate ng ibang transport system kagaya ng mga tricycle at mga Transport Network Vehicle Services (TNVS); nandiyan ang pangangailangan na i-revive ang train system, ang paggawa ng mga matatapang na batas laban sa illegal parking; at pati ang pag-redesign ng coding at odd-even system.
Wala kasing isang solusyon lang. Ang kailangan ay isang blanket plan na unti-unting aayos sa lahat ng bahagi ng problema para tuluyang maiayos ang sistema.
Kaya hindi ako sang-ayon sa sinasabi ng iba nating mga kababayan na wala nang pag-asa.
Old fashion ako kaya lagi kong uulitin na habang may buhay ay may pag-asa.
Siyempre hindi magagawa ng isa lang na ahensiya, kailangan ang tulungan, coordination at cooperation. Pati ang mga riding public ay may papel para magampanan ang katuparan ng pangarap nating masolusyonan ang problema ng bansa.
Naniniwala ako na kaya ng Pinoy, dapat lang na may manguna at ma-inspire ang mga tao na makiisa. Katulad na lang ng tagumpay ng pelikulang Heneral Luna.
Akalain ba na maabot nito ang minithing ticket sales kung hindi nag-participate ang mga tao, nag-ingay at isinulong ng social media na naging dahilan kung paano ang lahat ay nakiisa.
Ang punto ay pwede at kaya. Hindi dapat mag-give up, hindi dapat mawalan ng pag-asa.
***
Mag-email ng reaksyon sa ariel.inton@gmail.com o kaya’y mag-text sa 09178295982 o 09235388984. SIBOL/LTFRB COMM. ARIEL ENRILE-INTON
