DAHIL sa nagdaang schedule ng “filing” ng Certificate of Candidacy para sa mga gustong kumandidato sa iba’t ibang posisyon sa ating bansa, kaya naman sari-saring kahangalan at katatawanan ang namalas sa tanggapan ng Commission on Elections.
May mga nag-file ng COC sa pagka-Pangulo na sa unang tingin pa lang ay kulang ang turnilyo sa ulo! Hek, hek, hek!
Pero maliban sa nasabing mga nuisance candidate, mayroon din namang mga seryosong kandidato kuno, na iba ang mga ginawa kaysa ipinangangalandakang plataporma.
Na aakalain mong may busilak na interes para sa inang bayan! Huh!
Pero kung ating susuriin ang “track record” sa pulitika nitong mga hinayupak, eh, puro lang naman pamemera ang inatupag habang nasa puwesto.
Sa totoo lang, parekoy, si VP Binay na lang yata ang hindi kumbinsido sa mga paratang na sandamakmak na pera ang umano ay ninakaw niya at ng kanyang pamilya mula sa kaban ng bayan.
Katunayan, taas-noo pa ito habang paulit-ulit na nililitanya ang mga kataga na siya at ang kanyang pamilya ay inosente sa pangungulimbat!
WTF! Paano ko ba naman iboboto ang ganitong klaseng kandidato? Sa pinakamataas pa man din na posisyon sa ating bansa! Huh!
Isa pa itong si dating SILG Mar Roxas na kung magsalita ay puro Tuwad na Daan.
Pero kung pagbabasehan ang performance sa kasagsagan ng delubyo ni “Yolanda”, eh, maliwanag pa sa sikat ng araw na wala kang madama na kahit kaunting awa para sa mga kawawang biktima.
Kingna! Imbes na agapan kung ano ang madaliang maitutulong sa mga taga-Tacloban na mariing iwinasiwas ni Yolanda ay mas inuna pa ang pamumulitika!
Ang kapal mo naman, sir! Hmmmp!
Huwag ka na lang mangampanya sa mga taga-Tacloban at magsasayang ka lang ng laway!
Bwar, har, har!
-o0o-
Tumbok kay Region 4-A RD Gen. Richard Albano ang dahilan ng naglipanang sugal sa buong Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon!
Hindi ko sinasabi, parekoy, na naging gambling lord na si Gen. Albano, kundi may go signal sa kanya ang kasalukuyang mga gambling lord sa Calabarzon kapalit ng sandamakmak na pera bilang lingguhang payola.
Natural na hindi ito aaminin ni General.
Pero hangga’t patuloy na umiikot ang mga nagpapakilalang collector niya at habang patuloy na namumulaklak ang mga peryahan at iba’t ibang uri ng sugal sa kanyang nasasakupan, paano niya ito maitatanggi?
Please, General, ‘wag kang tatanggi.
Dahil isisiwalat ko ang mga pangalan ng lintek na mga collector na ito pati na ang bagman!
Hak, Hak, Hak! BURDADO/JUN BRIONES