SA mundo ng pulitika, mayroong manggagamit, mayroon namang nagpapagamit; mayroong nanloloko at mayroon ding nagpapaloko.
Ngayong eleksyon, lumabas na nga ang mga beterano sa gulangan.
Halatang-halata na ginagamit lang ni Sen. Chiz Escudero si Sen. Grace Poe para sa sariling ambisyon. Didikit-dikit sa pangalang ‘Poe.”
Kunwari, eh, malinis ang intensyon, ‘yun pala’y siya na ang nakapanlalamang.
Sisiguruhin ni Escudero na maging Bise Presidente siya ng Pilipinas.
Magulang na sa pulitika si Escudero, marami na siyang nabilog ang ulo. Congressman pa lamang siya sa Sorsogon, gamit na gamit na ang kanyang bayan.
Napakahirap ng kanyang bayan pero ginamit niya ito upang sumikat. Hindi nagtagal, umupo na siyang senador noong 2007. At ayun. Nasa putikan pa rin ang kanyang mga kababayan.
Pinakinabangan niya ang mahirap na imahe ng Sorsogon para makalimas ng buong boto sa Kabikulan. Pero pagkatapos noon, tabla-tabla na.
Kaya simula’t sapul, hindi pa man election period ay nakabakod na si Chiz kay Grace. Mautak talaga si Chiz. Kabisado ang paligoy-ligoy ng pulitika.
Hindi ba’t noong Congressman pa lamang si Chiz noong 2004, eh, dumikit siya sa pinakasikat na presidentiable sa katauhan ni FPJ?
Naging spokesperson siya ni Da King at buhat noon, tuloy-tuloy na ang pag-akyat ng kanyang pangalan sa popularidad.
Kaya kung sinasabi ni Grace na malaki ang utang na loob ng kanyang pamilya at tunay na kaibigan si Chiz hindi ba’t parang kabaligtaran?
Si Chiz ang may malaking utang sa pamilya Poe dahil kung hindi sya naki-joyride sa kasikatan ni Da King o sa apelyidong “Poe” noong nagsisimula siya ay hindi niya mararating ang narating niya ngayon.
Kung alam lamang ni Da King ito, marahil ay bumangon siya sa hukay at iligtas ang kanyang anak na si Grace mula sa kapahamakang dulot ni Chiz.
Kung tutuusin, apelyido pa lang ay liyamadong-liyamado na si Grace.
Sinong Pinoy ang ‘di nakakilala sa Poe? Kung merong nakikinabang doon, walang iba kundi ang running mate niyang si Chiz.
Mag-ingat ka, Grace. KANTO’T SULOK/NATS TABOY