ALAS-11:00 ng gabi hanggang ala-1:00 ng madaling-araw nitong Linggo, Oktubre 18 – Lunes, Oktubre 19, 2015.
Gising na gising tayo, mga Bro, sa mga oras at araw na ito.
Nasa harapan natin ang radyo at telebisyon na magkaiba ang mga istasyon.
Ang balita: nasa bubong ng mga bahay ang mga tao, kasama ang ilang hayop at gamit dahil sa matinding baha.
Bayan ng Sta. Rosa at Cabanatuan City ang lugar.
Ang San Luis, Aurora, matindi rin ang pagbaha na noon lang naranasan ng mga residente, lalo na ang mga matatanda, simula ng kanilang pagkabata.
Napadasal tayo at nagtatanong: Lord, ano na ang nangyayari?
Si bagyong Lando ang may sala!
KAKAMBAL NI ONDOY
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration, kaparehong-kapareho ni Lando si bagyong Ondoy.
Magkapareho sila ng lakas ng ulan na ibinuhos at halos magkapareho sila ng tagal ng pagbuhos ng malalakas na ulan.
Kaya naman, kung pinalubog ni Ondoy ang mga kabahayan sa maraming lugar sa Metro Manila, lalo na ang mga nasa Marikina, Quezon City at Cainta at Taytay, Rizal, pinalubog naman ni Lando ang maraming bahay sa malawak na lugar sa Nueva Ecija at Aurora.
Marami pang ibang lugar ang pinalubog nina Ondoy at Lando.
Ang pagkakaiba nga lang, nagsimulang bahain ni Lando ang mga kabahayan mula sa hapon hanggang gabi samantalang tumira si Ondoy sa araw.
LANDO MAS NAKATATAKOT
Higit na nakatatakot ang ginawa ni Lando kumpara kay Ondoy dahil naminsala ito sa gitna ng dilim ng gabi.
Pinalala ang dilim ng kawalan ng kuryente dahil nagkabuwalan at nagsipagtumbahan ang mga poste ng kuryente.
Anong panama ng mga poste at kawad ng kuryente sa laban sa 220 kilometers per hour na bugsong hangin ni Lando?
Dahil sa dilim ng gabi, hindi uubra ang kabayanihang ginawa ni Richard Gutierrez na pagsaklolo kay Cristine Reyes na nasa ibabaw ng bubong ng kanilang bahay sa Marikina noon.
Madidisgrasya tiyak ang sinomang gagamit ng jetski, speedboat, rubberboat at amphibian truck, lalo na kung walang guide na tagaroon sa lugar na nakaaalam kung saan ka makaiwas sa bangga o pagkasabit habang naglalayag ka.
Kaya nga, wala tayong naisip kundi ipaubaya na lang sa Diyos ang kaligtasan ng nakararami.
…At sa bayanihan ng lahat ng mga magkakapitbahay.
HIRAP AT GUTOM
Hindi hanggang takot lang sa kamatayan at iba pang disgrasya ang kwento sa pagragasa ni Lando sa buong Luzon, lalo na sa Central at Northern Luzon.
Paghihirap at gutom sa milyones na mamamayan ang susunod na tunay na kwento.
Sapagkat napakalawak ang kasiraang idinulot ng bagyo at baha.
Imadyinin natin ito, mga Bro.
May sariling ulan si Lando at hangin na direktang tumama sa mga lalawigan, lungsod, bayan at barangay.
Habang nananalasa si Lando, nagpakawala naman ng tubig ang Ipo dam, Magat dam, Binga dam at Ambuklao dam.
Nagpakawala rin ba ang Pantabangan dam?
Sa bubong nga ng bahay ang punta mo para maligtas sa kamatayan at iba pang panganib.
At kasunod na nito ang grabeng malawak na gutom at kahirapan.
ANI, ALAGA…
Ang mga magsasaka na hinog na ang palay, nag-ani at inunahan nila si Lando na alam nilang mapanira ng pananim.
Dumating si Lando na may bitbit na baha na sinamahan ng baha mula sa mga dam, nasira at naanod ang mga inimbak na ani ng mga magsasaka.
Itinali at inayos ng mga naghahayupan ang kanilang mga alagang baboy, kalabaw, baka, kambing, manok bago dumating si Lando.
Nang dumating si Lando, nilunod niya ang nasabing mga hayop at inanod ang iba kung saan-saan hanggang sa mamamatay o pulutin at pulutanin ng iba.
Siyempre, nalunod at nasira ang mga sasakyan, paninda sa sari-sari store, panindang mga makina at generator at iba pa.
Paano kang hindi magkakaroon ng gutom at paghihirap diyan?
Pero hindi lang sa kung ilang araw. Maaaring abutin ka ng siyam-siyam bago ka makabangon muli at mamuhay nang normal.
GOBYERNO NASAAN?
Pare-parehong nagugutom at naghihirap ang mga labis na tinamaan ng bagyo at baha.
Kaya naman, wala halos silang maaasahang tulong mula sa isa’t isa para mapawi ngayon ang kanilang gutom at paghihirap.
Milyones na Filipino ang bilang ng mga ito.
Ibig-sabihin, mga Bro, ang pamahalaan ang inaasahang pangunahing tutulong sa kanila.
Nasaan na ang mga tulong na dapat ibigay nang direkta sa mga biktima ng kalamidad?
Umaapaw ang salapi ng gobyerno sa mga proyektong bilyon-bilyon ang halaga na kinokontrata ng mga bilyonaryong kaalyado ng mga nasa pamahalaan.
Mayroon bang ibubuhos na katulad na halaga para sa mga biktima ng kalamidad?
Nag-aantay ang mga biktima ng pagdating ng mga honorable.
o0o
Anomang reklamo o puno ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA