KAHIT ilang beses tayo bayuhin ng bagyo parang hindi na talaga tayo masanay.
Sa nakalipas na bagyong Lando, marami ang na-stranded sa mga pantalan, marami ang nasiraan ng ari-arian, maraming pananim ang nawasak at nasayang, ang pinakamalungkot ay may mga nasawi pa rin at may mga nawawala pa hanggang sa isinusulat ko ito.
Kung iisipin na ang dami-daming mga bagyo ang dumaraan sa Pilipinas, may casualties pa rin at mataas pa rin ang extent ng damages.
Ganun talaga siguro.
Pero ang parang nakasanayan na natin at natutunan ay ang aksyon na ginagawa ng ating mga kababayan pagkatapos ng bagyo.
Dahil siguro sanay na ang marami sa atin ay agad nang nailalatag ang rescue team at ang assistance para sa mga nasalanta ng bagyo.
Sa kasagsagan pa lang ng bagyo, nakahanda na ang relief goods. Ang problema na lang ay kung sapat ba ang mga ito at kung makararating sa mga kinauukulan sa tamang panahon.
Habang sinusulat natin ang kolum na ito, isang araw pagkatapos ng bagyong Lando, ay ang dami nang pagkilos, ang dami nang mga panawagan para sa mga donation, kung saan dadalhin at kung ano-ano ang kailangan ng mga nasalanta ni Lando.
Sa isang center, ang pakiusap ng mga organizer ay pagkain muna ang i-donate at saka na lang daw ang mga damit dahil mabigat daw at hindi pa nila alam kung paano ang maayos at mabilis na transportasyon na gagamitin para madala ang iba pang mga gamit sa mga biktima ni Lando.
Take note, kahit sa panahon ng bagyo, napakalaki ng pangangailangan para sa isang epektibong transportasyon.
Kaya nga ang hinihingi ng mga organizer ay pagkain muna, iginigiit nilang unahin ang pagkain kung magdo-donate man para sa mga biktima ng bagyo.
Pagkain po muna. Ito ang kailangan ng ating mga kababayan, maliban sa gamot at sa iba pang pangangailangan.
Nananawagan ang mga nasalanta ng bagyo, kumakatok sa inyong mga puso.
***
Mag-email ng reaksyon sa ariel.inton@gmail.com o kaya’y mag-text sa 09178295982 o 09235388984. SIBOL/LTFRB COMM. ARIEL ENRILE-INTON