MAYROONG 130 nagsumite ng kanilang Certificate of Candidacy (COC) para sa pagka-presidente sa darating na May 2016 elections.
Sabi ng Comelec, record-breaking daw ang numero sa mga nagdaang pambansang eleksyon.
Tumira naman kaagad ang mga trumpeta ni Don Benigno Aquino III (BSA3) na tanda at patunay raw ito na ang demokrasya ay malusog at bukas kaninuman.
Kaletsehan!
Totoo ang bilang ng nagparehistro pero tiyak ang 95% sa kanila ay sisibakin ng COMELEC sa batayang “nuisance candidates.”
Sigurado iyan.
Kina VP Jejomar “JOJO” Binay, Sen. Miriam Defensor-Santiago, Sen. Grace Poe Llamanzares at Mar Roxas – SINO NGA BA ANG NARARAPAT NA PRESIDENTE NG REPUBLIKA NG PILIPINAS?
Ang dapat maupo na presidente sa 2016 ay ‘yung may kakayahang ibalik ang sigla ng bansa sa usaping panlipunan, ekonomiya at pulitika.
Mangyayari ito kung sa unang araw pa lamang ng kanilang pag-upo ay bubuwagin kaagad ng “President” ang 1987 Cory Constitution! Mamumuno sa ilalim ng isang REVOLUTIONARY GOVERNMENT!
Ang dapat na maging PRESIDENTE NG REPUBLIKA sa 2016 ay: 1) Pararamihin ang institusyong industriyal na magiging gulugod ng pagpapasulong ng ekonomiya. Darami ang panloob na trabaho at matitigil ang pandarayuhan ng OFWs.
2) Magbubuhos ng sapat na puhunang pang-agrikultura na tutulong sa mga magsasaka upang magkaroon ng mga makabagong makinarya na magbubunga ng sapat hanggang sobrang ani na maaaring iluwas natin bilang sariling produkto.
3) Totohanang paggawa ng mga imprastraktura na tutugon sa mabilis na daloy ng lahat ng uri ng transportasyon. Mga lansangan at tulay na pangmatagalan ang kalidad. At paggagawa ng malawak na serbisyong perokaril o tren sa buong bansa.
4) Magpapatayo ng maraming institusyong pang-estado tulad ng ospital, paaralan at mga pamantasan para matiyak ang katatagan ng kabataan.
5) Magpapakulong sa sinomang lokal at pambansang opisyal na kakandili sa anarkiya ng mga umaabusong sektor – sa kalsada, malaki at maliit na transportasyon, iskwater at marami pa.
Isa ang tiyak natin, walang magagawa alinman diyan ang daraan sa MATUWID NA DAAN! BALETODO/ED VERZOLA
