MAPUROL din pala sa kwentahan itong si Manila Vice Mayor Isko Moreno pagdating sa kalakaran ng pulitikahan sa ating bansa.
Sinasabing napaniwala siya noon ni President Mayor Erap Estrada na isang termino lang siya sa pagiging Punong Lungsod ng Maynila kaya umanib si Isko sa kanya mula sa kuwadra ni dating Mayor Fred Lim.
Ang sabi ko naman… hindi siya napaniwala ni Erap kundi nauto o naunggoy tsk tsk. Noon pa naman ay kwentada na natin na hindi ibibigay ni Erap ang Maynila kung babasahin ang nangyari sa lungsod ng San Juan.
Noong ang San Juan ay isang munisipyo pa lamang ay hindi ito ibinigay ni Erap kahit sa kaninong kasama sa partido o kaalyado hanggang sa ngayon na isa na itong lungsod.
Ibig-sabihin ay dumami na ang pera sa kaban ng San Juan kaya lalo nang nawalan ng pag-asa ang ibang politiko na masungkit pa ang trono roon sa City Hall ng naturang lungsod.
Nahalata na siguro kaya nga ngayon ay sumuwag na ang mga Zamora na kilalang kaalyado ng pamilya Estrada sa matagal nang panahon. Pero sa tingin ko’y hindi sila uubra – iba pa rin ang Erap sa San Juan, napakabigat talunin.
Ito ang hindi nakwenta nitong si Vice Isko nang umanib siya kay Erap laban kay Lim. Kahit na hindi na tumakbo muling mayor ng Maynila si Erap ay hindi pa rin makukuha ni Isko ang trono dahil nariyan pa si ‘Madam El’.
Pero ngayon ay ipinupunto nitong si Isko na mas gusto raw niyang manatiling mayor ng Maynila itong si Erap subalit pasensya na Vice Mayor pero iba na lang… ‘wag na ako.
Ang taktika naman ni Isko ngayon sa kanyang pagtakbo bilang senador ay ang kanyang nakalipas na buhay na mula sa pagpupulot ng basura hanggang sa pagiging matikas na bise alkalde.
Sa tinatakbo ng mga survey ngayon ay wala ang pangalan ni Isko. Marami kasi sa mga kilalang senador ang magbabalik-Senado kaya nakalalamang na sila sa listahan ng mga botante.
May nagbulong sa akin na itong si Isko ay tambay daw sa mga kilalang pasugalan, totoo ba ito… Vice Isko? Kung totoo ito at nagkataon na hindi lumusot sa Senado itong si Isko aba’y alam na natin ang hahantungan niya.
***
Para sa komento o suhestiyon: eksperto71@gmail.com EKSPERTO/JOIE O. SINOCRUZ, Ph.D.
