MARAMI ang hindi lang naiintindihan.
Ang pagtutol sa sobrang pagdami ng mga kumpanya na nag-aaplay para magkaroon ng accreditation sa kategoryang Transportation Network Company (TNC) tulad nga ng UBER at Grab Taxis ay hindi basta pagtutol lang na walang basehan.
Ang daming iba’t ibang isyu, pwedeng maintindihan kung isa-isang iko-consider ang mga point.
Una, ang mga reklamong natanggap ko mula sa mga operator ng Transport Network Vehicle Service (TNVS), ito ‘yung mga private operator na ginagawang pampasahero ang kanilang sasakyan sa ilalim ng platform ng UBER o Grab, ay mahina na raw ang kita ngayon.
Dati ay halos P70K a month ang kita, ngayon ay P20K a month na lang, dahil ang dami nang ganitong klase ng transport service at sila-sila mismo ang nagkakainan ng mga pasahero.
Pero ang mas malaking problema ay ang kolorum sa ilalim ng sistemang ito. Kailangan nang kastiguhin ang mga TNC na hindi kinayang kontrolin ang pagdami ng mga kolorum sa kanilang hanay.
Ito ang tinututulan natin, ito ang dapat puksain, itong mga kolorum na bumibyahe bilang mga taxi na walang kaukulang Provisional Authority mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board.
Kailangan maintindihan ng mga tao na ang mga kompanya sa kategoryang TNC ay binibigyan ng LTFRB ng accreditation para makapag-operate ng transport services habang hindi pa nare-release ang kanilang franchise application.
Pero kailangan pa rin ng mga individual na miyembro ng mga NTC, ‘yung mga TNVS o yung participant na mga may-ari ng private vehicles, na kumuha ng Provisional Authority (PA) mula sa LTFRB.
Ang siste ay may mga nagko-comply, may mga private vehicle owner na sumsusunod sa utos ng batas, at unfair ito dahil marami nang mga pasaway at bumibyahe bilang kolorum.
Ang obligasyon ng LTFRB ay protektahan ang mga TNVS, ipatupad ang batas at maglunsad ng matinding kampanya laban sa kolorum.
Nakatatanggap tayo ng mga pagbatikos, kontra raw tayo sa pag-unlad, killjoy raw tayo sa mga kompanya tulad ng UBER na napatunayang effective sa Amerika.
Hindi po ganun. Sana intindihin natin na may batas na dapat sundin at may mga TNVS na pasaway na parang lagi gustong makaisa, ito ang ating mahigpit na tinututulan. SIBOL/LTFRB COMM. ARIEL ENRILE-INTON