PINAKAPANGIT para sa isang manunulat o kolumnista ang sirain ang isang opisyal ng gobyerno lalo na mula sa Philippine National Police sa pamamagitan ng pagkukumpara nito sa kanyang pinalitan.
Ibig lang sabihin na walang ideya o maisip na kasiraan o puna ang isang manunulat laban sa kanyang paksa.
Subalit sa kaso ni C/Supt. Edgardo Tinio, hepe ng Quezon City Police District, hindi maiiwasang ikumpara ito sa kanyang pinalitan na si C/Supt. Joel Pagdilao, director ng National Capital Regional Police Office.
Payag na ang inyong lingkod na masabing hindi mahusay na manunulat at mamamahayag dahil hindi talaga maiwasang hindi maikumpara si Tinio kay Pagdilao.
Bakit? Kasi naman, noong panahon ni Pagdilao, tahimik lang nitong pinamamahalaan ang QCPD, tutok sa trabaho ng kanyang mga tao at ‘di ito naghahangad na kumita kundi resulta ng trabaho ang inuuna.
Hindi kinunsinte ni Pagdilao ang mga iligal na gawain sa lungsod tulad ng droga, sugal at night club kaya naman ipinakita ng pamahalaang lungsod sa pangunguna ni Mayor Herbert Bautista ang suporta.
Pero sa kaso ni Tiñio, tila tinitikis ni Mayor Bistek ang nasabing opisyal dahil tila walang okasyon ang QCPD na dinaluhan ng alkalde at kinatawan lang ang dumarating.
Mukhang hindi maganda ang pakisama nitong si Tinio kaya naman hindi lang si Mayor Bautista ang hindi sumusuporta sa kanya kundi maging ang 12 station commanders na tila nais na bumitiw ng suporta sa kanilang amo.
Kasi raw, namimili ng kausap itong si Tinio. Maging ang mga mamamahayag ay umiiwas na kay Tinio hindi lang dahil sa nabalitaan nilang pagkunsinte nito sa ilang pasugalan at night club sa kanyang nasasakupan kundi dahil sa pamimili nga nito ng mga mamamahayag na magko-cover.
Ayon sa mediamen, ilan-ilan lang ang kilala ni Tinio at kadalasan daw, ‘yung taga-telebisyon lang. Deadma raw siya sa mga print media at taga-radyo.
Aba’y mapupuna nga si Tinio sa kanyang gawi. Dapat kasing pantay-pantay ang iniuukol niyang panahon at pagtingin sa mediamen. Si Gen Pagdilao, kahit bihirang ngumiti, ay malapit sa mga mamamahayag at hindi siya namimili ng kakausapin at haharapin.
Si Pagdilao, uubusin ang mga kriminal habang si Tinio, binebeybi at pabebe sa mga iligalista. Hindi ba’t krimen din ang sugal at prostitusyon?
Baka naman kapag mas malaki ang lingguhang payolang ibinibigay ng gambling lord at club owner, mas maraming oras na ginugugol si Tinio?
Hay naku, dapat ay hindi na pinatatagal pa sa puwesto ang ganitong klaseng opisyal. Sibak kaagad. Tama po ba, PNP chief Dir. Gen Ricardo Marquez?
Sabi ng isang opisyal ng Camp Crame, malabo sa sabaw ng pusit na sibakin ni Marquez si Tinio dahil bata niya ito. Si Marquez ang nagpilit na maitalaga si Tinio sa QCPD kahit ayaw sa kanya ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan. PAKUROT/LEA BOTONES